ni GA @Sports | November 2, 2023
Kinumpirma ng nag-iisang 8th-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao ang napipintong laban kay dating undefeated at retired Future Hall of Famer Floyd “Money” Mayweather Jr. para sa pinaka-aasam na Pac-May 2 rematch na planong itulak sa Disyembre sa Tokyo, Japan.
Mababanaag ang matinding pag-eensayo at paghahanda ng 44-anyos na Filipino boxing legend at siguradong boxing Hall of Famer sa hinaharap upang paghandaan ang inaasam na pagsabak sa Summer Olympic Games sa 2024 Paris, habang matindi ang pagnanais nitong makaharap muli si Mayweather upang mabawian sa naunang paghaharap noong Mayo, 2015.
“I’m still active, I’m an active guy, I’m actively training,” pahayag ni Pacquiao sa FightHubTV ng dumalaw ito sa isang event sa Saudi Arabia. “I have an exhibition match this coming December.
In Japan. We’re working on it, the opponent. We’re working with Mayweather. Yes [a Mayweather fight],” bulalas ni Pacquiao na nagsimula ng magpakondisyon sa boxing mitts at punching bag.
Minsan ng nagtapat sina Pacquiao at Mayweather na tinawag na “Fight of the Century” at “Battle for Greatness” noong Mayo 2, 2015 na nagresulta sa 12-round unanimous decision panalo sa American boxer upang mapanatili ang WBA (unified), WBC, The Ring welterweight title at maagaw ang WBO belt na ginanap sa sold-out MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Lumikom ito ng limpak-limpak na kita na umabot umano sa mahigit sa $400 million at PPV viewership na 4.6 million na pagbili upang tanghaling pinakapinanood na sporting event sa kasaysayan ng telebisyon at pay-per-view. “We’re working on it. Actually, supposedly this coming December, but we’re still working on it and hoping for that exhibition match in Tokyo, Japan,” paglalahad ni Pacquiao na may nakalinya ring umanong exhibition match kontra kay Muay Thai at Kickboxing icon Sombat “Buakaw” Banchamek ng Thailand sa Enero 2024.
Huling sumabak sa exhibition match si Pacquiao noong Disyembre 11, 2022 kontra kay South Korean fighter DK Yoo sa Korea International Exhibition Center na nagtapos sa unanimous decision ng kanilang six round bout, habang huling beses lumaban si Mayweather laban kay John Gotti III na nauwi sa disqualification sa 6th round dulot ng walang humpay na trash talking nitong Hunyo 11 sa FLA Live Arena sa Sunrise, Florida sa America. y.