ni Gerard Arce @Sports | June 23, 2024
Halos kumpleto na ang pagsasa-ayos ng mga pasilidad na paggagamitan at lalaruan ng mga atletang Pinoy mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa sa 2024 edisyon ng taunang grassroots sports program na Palarong Pambansa na nakatakdang simulan sa Hulyo 6-17 na gaganapin sa Cebu City Sports Center sa Cebu City.
Posibleng matapos na ang mga ginagawang rehabilitasyon sa CCSC na nakatakdang bigyan ng ceremonial pre-opening sa Hunyo 27, kung saan ayon sa mga contractor’s ng naturang palaro ay nasa 90 hanggang 96 porsiyento na makukumpleto ang pagsasa-ayos. Inaasahang maipapasa ang kabuuang palaruan sa unang linggo ng Hulyo, na lalahukan ng halos lahat ng nakalinyang pampalakasan.
Ayon sa inilabas na ulat ng pampahayagan sa Cebu City, nagpahayag ng kaluguran si Acting Mayor Raymond Alvin Garcia sa patuloy na pagsulong ng rehabilitasyon na maisaayos ang mga sports equipment sa tamang lugar, habang nakahanda siyang siyasatin ang buong pasilidad upang masiguro ang kahandaan at kasiguruhan ng Palaro. “I will personally check the rooms to ensure everything is ready…On June 27, we will hold a ceremonial pre-opening of the CCSC,” saad ni Garcia sa isang report.
Nabanggit din niya ang lahat ng paghahanda sa pambansang antas ay nasa kaayusan at walang nakikitang anumang problema na maaaring makaapekto sa buong kaganapan. Kumpiyansa siya na ang mga pagbabago sa CCSC ang magpapabilib sa mga bisita, dahil sa mga malalaking pagpapahusay na ginawa.
Inanunsiyo naman ni Department of Education (DepEd) assistant superintendent Adolf Aguilar na sisimulan ang Media accreditation sa Hunyo 27, lalo na sa mga Cebu media na nangangailangang dumalo sa face-to-face applications, habang lilimitahan ang mga dadalo sa opening ceremonies, gayundin ang pagbibigay ng mga ID para sa mahigpit na seguridad.