ni GA @Sports | December 19, 2023
Pinatunayan ni Cherry Ann “Sisi” Rondina na kayang abutin ng kanyang mga nagtataasang lipad ang mga bituin sa langit matapos hiranging pinakamaningning na manlalaro sa 6th Premier Volleyball League 2nd All-Filipino Conference para sa kanyang unang Most Valuable Player award sa liga matapos ang matagal na paghihintay na pagbabalik sa professional league.
Dehins naging kawalan o hadlang ang katangkaran ni Rondina pagdating sa pinapasok nitong laban, bagkus ay mas lalo pang pinag-igihan ang angking kakayanan at abilidad upang mas makatulong para sa Choco Mucho Flying Titans na makamit ang kauna-unahang landas patungo sa Finals sa ikalawang komperensya lamang matapos ang ilang taon sa Philippine national Beach Volleyball team.
Maituturing na isa sa maliliit na manlalaro ang 27-anyos na power-spiker na tubong Compostela, Cebu na kasalukuyang bumabanat sa pro-league, subalit may angkin itong taas ng talon at puwersang daig pa ang mas matatangkad na katapatan kaya’t siyang pangunahing sinasandalan ng Flying Titans sa bawat giyerang pinapasok.
“Maraming salamat po sa pumunta rito para manood ng game namin. Wala naman po akong ibang masabi kundi maraming, maraming salamat kina Sir Jonathan (Ng), Rebisco management.
Salamat po sa inyong lahat,” pahayag ni Rondina sa kanyang MVP speech sa record breaking 24,459 manonood sa Smart Araneta Coliseum. “Hindi man po namin nakuha yung gold ngayon, pero itong award para sa team po namin.”
Tumapos sa eliminasyon ang dating Santo Tomas Golden Tigresses star at multiple collegiate MVP awardee sa ikalawang pwesto sa pagtatapos ng preliminaries sa kabuuang 194 mula sa 173 spikes, 13 blocks at walong service aces, upang pumangalawa kay Filipino-Canadian Savannah Dawn Davison sa 202 total, subalit naging Top scorer sa semifinal round sa 236 puntos.