ni GA @Sports | January 10, 2024
Photo: PVL / FB
Muling nagsama-sama sa iisang bakuran ang mga dating De La Salle University Lady Spikers upang bumuo ng matibay na grupo para subukang dalhin sa kauna-unahang podium finish ang PLDT High Speed Hitters kasunod ng panibagong karagdagang arsenal sa katauhan ni opposite hitter Kim Kianna Dy.
Pormal na inanunsyo ng PLDT nitong Linggo ang pagtapik sa dating F2 Logistics Cargo Movers power-hitter na si Dy, upang samahan ang mga naunang kakampi na sina Kim Fajardo at Majoy Baron para makipagsanib-pwersa sa mga dating Lady Spikers na sina Mika Reyes at Erika Santos tungo sa seventh season ng Premier Volleyball League (PVL) sa susunod na buwan.
Maituturing na isa sa mga pinakamahusay na opposite hitter ang 2021 PNVF MVP, kabilang ang dekoradong karera sa balibol sa pagiging five-time pro-league at three-time collegiate champion, para maging parte ng mas matatag na sandata kasama ang powerhouse cast na kinabibilangan nina ace playmaker Rhea “DMac” Dimaculangan, Filipino-Canadian at best scorer Savannah Dawn Davison, dating national team middle blocker Dell Palomata, spikers Honey Royse Tubino, Jules Samonte at Fiola Ceballos at league best floor defender Kathleen Arado. “Stepping out of your comfort zone can be scary sometimes. But at the same time, that's when you realize that you can learn so much more from new coaches and teammates,” wika ni Dy na magiging ika-apat na koponan sa kanyang karera matapos ang pitong taong pamamalagi sa F2 Logistics.
Minsang naglaro ito sa Shopinas.com Lady Clickers at Meralco Power Spikers nung 2015 sa Pilipinas Super Liga at Shakey’s V-League. “Knowing that there’s still so much to learn inspires me to thrive and work harder. It's going to take a lot of hard work, but I hope we can meet the expectations set for us here in PLDT.”