ni GA @Sports | January 17, 2024
Magiging malaking tulong para sa Farm Fresh Foxies ang pagpasok sa koponan nina Jolina Dela Cruz at power-lefty Caitlin Viray upang mabigyan ng karagdagang opensiba at arsenal para magamit bilang panlaban sa 7th season ng Premier Volleyball League (PVL) sa Pebrero.
Dadalhin ng all-around outside hitter mula Bulacan ang kanyang matinding kasipagan at talento sa batang koponan na isa sa mga tinitingnang paangat na koponan sa nagdaang komperensiya. Subok sa kanyang kasipagan ang 24-anyos na spiker ng maasahan ito ng F2 Logistics Cargo Movers sa lahat ng pagkakataon pagdating sa floor defense at atake, kasunod na rin ng career-high sa 30 puntos noong Nobyembre kontra Cignal HD Spikers.
Gayunpaman, pansamantalang hindi masisilayan ang 5-foot-9 wing spiker sa darating na All-Filipino Conference dahil sa patuloy itong magpapagaling sa tinamong leg injury.
Ang dating De La Salle University Lady Spiker ang isa sa mga naging malaking sandalan ng koponan upang mapanalunan ang 85th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament noong isang taon, bago ito tuluyang pumalo sa nabuwag na F2 Logistics sa Invitational Conference.
Nitong Sabado ay kinumpleto ni Dela Cruz ang ‘Lucky Nine’ na recruits ng Farm Fresh na kinabibilangan nina Viray mula sa Choco Mucho Flying Titans, setter Anj Legacion mula PLDT High-Speed Hitters, mga dating teammates sa F2 Logistics na sina Elaine Kasilag at Chinnie Arroyo, dating Chery Tiggo Crossover Jaycel Delos Reyes, dating University of Santo Tomas Golden Tigresses libero Janel Delerio at high-flyer Ypril Tapia, gayundin si Julia Angeles mula sa Galeries Towers.
Sunod-sunod na pagbati naman ang nakuha ni Dela Cruz sa kanyang malalapit na kaibigan sa social media kabilang si Chery Tiggo leading spiker Ejiya “Eya” Laure.