ni Gerard Arce @Sports | July 21, 2024
Mga laro sa Martes
(Philsports Arena)
1 n.h. – Zus Coffee vs Cignal
3 n.h. – Choco Mucho vs Akari
5 n.h. – Capital1 vs Petro Gazz
Hindi hinayaang nag-iisang puputok sa opensa ni dating collegiate at professional MVP Ara Galang ang kanilang import para maniobrahin ang takbo ng laro ng Chery Tiggo Crossovers at kunin ang ikalawang sunod na panalo sa Pool A laban sa NXLed Chameleons sa 25-16, 25-20, 25-23 kahapon sa pambungad na laro ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Matapos na madaling makuha ang dalawang unang sets sa loob ng 29 minuto, sinandalan ng Crossovers ang 29-anyos na beteranong spiker upang bumira ng mga importanteng iskor, na tumapos ng double-double sa kabuuang 11 puntos mula sa pitong atake at apat na blocks at 11 excellent digs para segundahan si dating PSL Best Outside Spiker Katherine Bell na tumapos ng 21 puntos mula sa 19 kills at dalawang aces at 10 excellent digs.
“Mindset ko lang ay tulungan si kath, [kase] ‘di pwedeng umasa lang kami sa import namin, kailangan mag-contribute as much as we can,” pahayag ni Galang, para pangunahan ang lokal players sa kawalan nina power hitter Eya Laure at ace libero Jennifer Nierva na kumakampanya para sa Alas Pilipinas national team. “Mag-stick lang kami sa kakayanan namin at magtrabaho ng maayos at magwork as a team. Expect na pagbutihan lalo at magwork pa as a team.”
Nag-ambag rin para sa Crossovers si Shaya Adorador sa anim na puntos kasama ang pitong excellent receptions, gayundin ang 12 excellent sets at tatlong puntos ni Jasmine Nabor at 10 excellent receptions ni rookie floor defender Karen Verdeflor.