ni G. Arce @Sports | February 8, 2024
Hindi pinalampas ni PLDT High Speed Hitter opposite spiker Kim Kianna Dy ang pagkakataon na makasamang muli ang kanyang mga dating kakampi sa nabuwag na F2 Logistics Cargo Movers upang isagawa ang mala-mini reunion sa paboritong lugar nilang volleyball court.
Matagal na nakasama ni KKD ang mga dating katropa sa Cargo Movers na sina Dawn Macandili-Catindig ng Cignal HD Spikers at sina Aby Marano at Ara Galang ng Chery Tiggo Crossovers kasunod ng pagtatapat ng dalawang koponan sa isinasagawang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League, na minsan nilang ibinulsa noong 2021 edisyon para sa dating koponan.
Inilabas ni Dy sa kanyang social media story ang muling pagsasama para makapagpakuha ang mga ito sa magkahiwalay na larawan, matapos ang walong taong pagsasama sa Cargo Movers kasunod ng limang kampeonato sa Philippine Super Liga at isa sa PNVF, kung saan tinanghal na MVP at Best opposite hitter si Dy, habang Best Middle blocker si Marano at si Macandili-Catindig naman ang Best Libero.
Sa naturang laro ng Cignal at Chery Tiggo ay nagtagumpay ang una sa pamamagitan ng straight set sa 28-26, 25-19, 27-25, kung saan tumapos ng apat na puntos si Marano at lima kay Galang, habang patuloy na nagpamalas ng husay sa floor defense si seven-time pro-league Best Libero na si Macandili-Carindig.
Patuloy namang nagpapalakas si Dy para sa kanyang pagbabalik sa laro para sa PLDT sa darating na 7th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Pebrero 20 kasama ang mga dating kakampi sa Cargo Movers na sina Kim Fajardo at Majoy Baron upang matulungan ang koponan na makuha ang kauna-unahang podium finish sa liga sapol ng 2021 Open Conference.