ni Gerard Arce @Sports | February 27, 2024
Hindi tulad ng nalasap ng dalawang kababayang Pinoy sa Japan, napanatili ni dating International Boxing Organization (IBO) flyweight champion Dave “Dobermann” Apolinario ang kanyang malinis na kartada ng patumbahin ang Thai boxer Tanes Ongjunta sa bisa ng fourth round knockout nitong nagdaang Huwebes sa Korakuen Hall sa Bunkyo, Tokyo.
Nalampasan ni Apolinario ang third-round knockdown upang samantalahin ang kapaguran ni Ongjunta ng bumitaw ito ng malutong na kaliwang straight na nagpatumba sa Thai boxer. Nagawa pang makatayo sa ito sa bilang ni referee Yuji Fukuchi, subalit hindi pinalampas ni Apolinario ang pagkakataon na banatan ng husto ang katunggali sa pamamagitan ng power punches kabilang ang pantapos na kanang uppercut upang tuluyang itigil ang laban sa 1:44 ng ika-apat sa nakatakdang 8 round.
Dahil sa panalo ay lalo pang iniangat ang kartada nito sa 20-0 kasama ang 14 panalo mula sa knockout habang nakatakdang maghanda ito para sa World Boxing Association (WBA) flyweight title na tangan-tangan ni Seigo Yuri Akui ng Japan na nagawa namang maagaw ang korona kay Artem Dalakian ng Ukraine sa bisa ng 12-round unanimous decision nitong nagdaang Enero 23 sa Edion Arena sa Osaka, Japan.
Inamin ng promoter at manager ni Apolinario na si Jim Claude Manangquil na naging pabaya ito sa kanyang laban kaya’t inabot ng kanang suntok ni Ongjunta, dahilan ng mainit na palitan ng suntok sa gitna ng ring na nagresulta rin sa pagsasalubong ng ulo ng bawat boksingero upang magtamo ng cut ang Thai boxer.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ni Apolinario sa Japan ng naunang tinalo si Mexican Brian Mosinos sa eight-round unanimous decision noong Agosto 30, 2023, na sinundan ng pagpapasuko sa parehong taon kay Indonesian Frengky Rohi noong Pebrero 11 General Santos City.