ni Gerard Arce @Sports | March 6, 2024
Mga laro bukas (Huwebes) (Philsports Arena, Pasig City)
4 n.h. – Creamline vs Galeries
6 n.g – Cignal vs NXLed
Mainit-init na unang panalo ang pinasiklab ng Capital1 Solar Energy para mabigyan ng unang panalo ang beteranong head coach na si Roger Gorayeb matapos paliyabin ang kapwa baguhang koponan na Strong Group Athletics sa 25-18, 25-20, 19-25, 25-20 sa pambungad na laro ng itinampok na double-header ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference, kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nanguna sa atake ng Solar Energy Spikers ang beteranong hitter na si team captain Jorelle Singh ng lumista ito ng kabuuang 13 puntos mula sa 12 atake at isang block para ilagay sa winning column ang koponan kasunod ng dalawang pagkabigo sa 1-2 kartada, habang nahulog naman sa 0-3 marka ang baguhang koponan rin ng Strong Group.
“Sobrang masaya lang kase importante itong laro dahil ito yung magpa-boost ng confidence at morale naming. Kaya ine-expect namin na mas magiging maganda yung game at makapag-perform ng maayos next game,” wika ng 28-anyos na outside hitter na nalampasan ang pangangapa sa koponan matapos ang mahigit isang buwan pa lamang magkakasama. “Nagkulang sa cokmmunication at receive sa next set nagusap na kami,” dagdag ng 5-foot-5 hitter na dating National University Lady Bulldogs spiker.
Aminado naman si Gorayeb na hindi pa gaanong gamay ng mga manlalaro nito ang sistemang pinapatakbo na umaasang makakabisado sa lalong madaling panahon upang mas higit na makasabay sa takbo ng laro sa liga. “Hirap na hirap pa kami mula sa setter at libero, yung sistema ko kase bago sa katawan nila, parang alienated sila, na di ito yung ginagawa nila dati, sana wag abutin ng isang taon bago nila makuha,” paglalahad ng San Sebasntian Lady Stags chief tactician na nakakuha rin ng suporta mula kay Patty Orendain na may 9 na puntos.