ni Gerard Arce @Sports | March 17, 2024
Nagawang makipag-face off ng nag-iisang eight division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao kay undefeated British boxer Conor “The Destroyer” Benn sa isang boxing event sa Riyadh, Saudi Arabia matapos ang bulung-bulungan na nilulutong upakan sa hinaharap.
Usap-usapan ang gaganaping banggaan ngayong darating na ‘summer’ (mga Mayo o Hunyo sa ibang bansa) bilang hudyat na rin ng pagbabalik sa pro-boxing ng 45-anyos na Filipino boxing legend na minsang hinamon ang kampo ng dating World Boxing Association (WBA) Continental (Europe) welterweight titlist na maaaring ganapin sa Middle East.
Sa huling dalawang laban ng 27-anyos na mula Greenwich. London na ginanap sa U.S., magkasunod na nagpositibo sa ipinagbabawal na substantiya ang ipinataw kay Benn kasunod ng VADA testing, dahilan upang maudlot ang laban nito noong 2022 kay Chris Eubank Jr., subalit malaki ang posibilidad na malampasan nito ang naturang alegasyon laban kay Pacquiao sakaling ganapin ang laban sa Gitnang Silangan. “That’s what I was there for, really,” paglalahad ni Benn upang agarang magtungo sa Saudi Arabia. “I knew he [Pacquiao] was going to be there. Right now, that’s looking like the one that we’re focusing on.”
Malaki ang pagnanais ni Benn na makatapat ang malalaking pangalan sa larangan ng boksing higit na sa 147-pound division, higit na ang makatapat ang future “Hall of Famer.”
Minsang nabuhay ang espekulasyon sa harapan nina Pacquiao at Benn noong isang taon matapos ibunyag din mismo ni Matchroom Sport chairman at promoter Eddie Hearn na potensiyal na magkaharap ang dalawa, habang nakakuha ng paghahamon ang kampo ni Pacman na interesadong makaharap ang British boxer, na nanatiling undefeated sa panalo kontra kay Peter Dobson nitong nagdaang Pebrero 3 na nauwi sa unanimous decision na panalo.