ni Gerard Arce @Sports | April 1, 2024
Rumehistro ng panibagong rekord bilang lokal na manlalaro sa larangan ng women’s volleyball si Diana Mae “Tots” Carlos upang pangunahan ang Creamline Cool Smashers sa ika-6 na panalo upang higitan ang iba pang Pinay spikers na nagtala ng pambihirang 30-point performance.
Lumista ng 38 puntos mula sa 35 atake at 3 blocks ang three-time league MVP na naging pinakamataas na tala sa isang laro na nilikha ng lokal na manlalaro sa Premier Volleyball League (PVL) na siyang naging daan upang malampasan ng Cool Smashers ang matinding pagsubok na hatid ng Cignal HD Spikers sa come-from-behind 5th set panalo sa 26-28, 22-25, 25-22, 25-21, 16-14 nitong nagdaang Martes ng gabi.
Nahigitan ng 25-anyos mula Lubao, Pampanga ang inilistang career-high ni Cherry Ann “Sisi” Rondina ng Choco Mucho Flying Titans sa pro-league, na kontra rin mismo sa kanila noong Second All Filipino Conference Finals noong Disyembre, habang naunahan din nito ang itinala ng kakampi nitong si Alyssa Valdez na 37 puntos noong PVL Open Conference laban sa Bali Pure noong 2017 bilang non-pro rekord.
Gayunpaman, nananatiling nasa tuktok pa rin ng all-time record sa PVL ang 44 puntos ni Akari Chargers import at Olympian Priscilla Rivera ng Dominican Republic laban sa Choco Mucho noong Nob. 3, 2022 sa PVL Reinforced Conference.
Minsan nang nagtala ng 31 puntos ang 5-foot-9 opposite hitter na dating manlalaro ng UP Lady Maroons laban sa Akari Chargers sa 4th set panalo nitong nagdaang Pebrero 29.
Bukod sa mga nabanggit na manlalaro ay nakakuha rin ng 30 puntos ang mga lokal na sina Dindin Santiago-Manabat ng dalawang beses na 32pts na ang isa ay sa laban ng Chery Tiggo Crossovers kontra Creamline sa Game 3 ng PVL Finals sa Bacarra Ilocos Norte; Katrina Tolentino na 31pts sa 2022 PVL Invitationals at iba pa.