ni Lolet Abania | December 13, 2021
Naghain ng reklamo ang ilang residente ng General Santos City laban sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) hinggil sa mandatory vaccination kontra-COVID-19 sa ilang mga lugar sa bansa.
Sa ulat, ito ay may kaugnayan sa issuance ng IATF Resolution No. 148-B, kung saan nagre-require sa mga onsite workers na magpabakuna kontra-COVID-19.
Batay sa resolution, bagaman ang mga empleyado ay maaaring hindi matanggal sa trabaho, ang mga unvaccinated employees ay kailangang sumailalim sa RT-PCR tests at sagutin ang lahat ng gastusin dito.
Sa 5-pahinang dokumento, ayon sa mga complainants na sina Nenit Caminoy, Mary Ann Doce, Norma Marquez, Marylin Reynoso at Vivien Viernes, ito ay ilegal na gawin, ang pagbabakuna ng mandatory o sapilitan gaya ng nakasaad sa Republic Act 11525 na ang vaccination cards ay hindi kinakailangan sa employment.
Anila pa, mahalaga ang pagkakaroon ng voluntary consent para sa pagbabakuna laban sa COVID-19.
Giit din ng mga residente na ang RT-PCR tests ay napakamahal, habang anila, posibleng magresulta ito sa ilang mga manggagawa na mag-resign na lamang sa kanilang mga trabaho.
Gayundin, ayon sa grupo ang experimental antiviral pill molnupiravir ay gagawing available bilang alternative medicine.
Ang mga respondents ng kanilang complaints ay sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, acting presidential spokesperson Karlo Nograles, at ang abogadong si Charade Mercado-Grande.
Sa ngayon habang isinusulat ito ay wala pang ibinigay na komento sina Duque at Nograles hinggil sa isyu.
Kinumpirma naman ni Ombudsman Samuel Martires na natanggap na ng kanyang opisina ang naturang complaint noong Disyembre 6 at iniimbestigahan na nila ang tungkol dito.