ni Mary Gutierrez Almirañez | March 21, 2021
Ipinatupad ang bagong restrictions sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), kung saan bawal bumiyahe palabas ng Metro Manila papunta sa probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, gayundin ang mga nabanggit na probinsiya papuntang Metro Manila, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong hapon, Marso 21.
Aniya, magkakaroon ng tinatawag na ‘bubble’ sa mga nasabing lugar at ang puwede lamang maglabas-masok ay ang mga authorized person katulad ng mga sumusunod:
• Empleyado na may company I.D.
• Healthcare workers at emergency frontliners
• Kawani ng gobyerno
• Duly-authorized humanitarian assistance actors
• Bibiyahe para sa medical o humanitarian purposes
• Pupunta sa airport para mag-travel
• Returning overseas Filipino o balikbayan
Kaugnay nito, iginiit din niya na mananatili ang mga pampublikong transportasyon sa kanilang current capacity. “Bagama’t ine-encourage po natin, hinihikayat natin ang publiko na magbisikleta or maglakad, pero wala pong pagbabawas sa public transportation,” paglilinaw pa niya.