top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 14, 2021




Magbabalik-trabaho na ang mahigit 200,000 indibidwal na nawalan ng hanapbuhay o nahinto sa pagtatrabaho dulot ng lockdown sa muling pagbubukas ng ekonomiya sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions sa NCR Plus simula bukas, May 15.


Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, “Dito sa pagbukas ulit ngayon ng ekonomiya, maaaring may maibalik pa na maybe 200,000 to 300,000 na trabaho para at least mapababa pa ang mga nawalan ng trabaho starting from the enhanced community quarantine.”


Matatandaan namang mahigit 1.5 million Pinoy ang nawalan ng trabaho buhat nang maging episentro ng COVID-19 ang Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna, kaya maraming negosyo at establisimyento ang ipinasara nu’ng Marso.


Sa ngayon ay bumaba na sa 55,260 ang active cases ng COVID-19, sapagkat nakarekober na ang mahigit 1,050,643 indibidwal, mula sa 1,124,724 na kabuuang bilang ng mga naitalang kaso.


Sa kabila ng mas maluwag na quarantine classification, patuloy pa rin namang ipatutupad ang mga health protocols upang maiwasan ang hawahan at muling paglobo ng virus.


Inaasahan ding magtutuluy-tuloy na ang pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 14, 2021





Inilabas na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga bagong guidelines na ipatutupad sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ‘with heightened restrictions’ sa NCR Plus Bubble at iba pang lugar simula May 15 hanggang 31, ayon sa inianunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque kagabi.


Kabilang sa pinahihintulutan ay ang mga sumusunod:


• 20% capacity sa mga indoor dine-in services at 50% capacity sa outdoor o al fresco dining

• 30% capacity sa mga outdoor tourist attraction

• 30% capacity sa mga personal care services, katulad ng salon, parlor at beauty clinic

• 10% capacity sa mga libing at religious gathering

• Pinapayagan na rin ang outdoor sports, maliban sa may physical contact na kompetisyon


Mananatili pa rin namang bawal ang mga sumusunod:


• entertainment venues katulad ng bars, concert halls, theaters

• recreational venues, katulad ng internet cafes, billiard halls, arcades

• amusement parks, fairs, playgrounds, kiddie rides

• indoor sports courts

• indoor tourist attractions

• venues ng meeting, conference, exhibitions


Higit sa lahat, bawal magtanggal ng face mask at face shield kapag nasa pampublikong lugar. Bawal ding lumabas ang mga menor-de-edad at 65-anyos pataas, lalo na kung hindi authorized person outside residency (APOR).


Patuloy pa ring inoobserbahan ang social distancing sa kahit saang lugar at ang limited capacity sa mga pampublikong transportasyon.


Maliban sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna ay isasailalim din sa GCQ ang Apayao, Baguio City, Benguet, Kalinga, Mountain Province, Abra, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Puerto Princesa, Iligan City, Davao City, at Lanao del Sur hanggang sa katapusan ng Mayo.


Mananatili naman sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Santiago City, Quirino, Ifugao, at Zamboanga City.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 29, 2021




Maglalabas ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng bagong listahan ng mga establisimyento na maaari nang magbukas sa ilalim ng extended modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Aniya, "Magkakaroon ng listahan ng mga industriya at negosyo na puwedeng pabuksan bagama't MECQ pa rin. Naiintindihan namin na kailangang bumalik na ang mga manggagawa sa kanilang hanapbuhay… We are looking at a gradual reopening."


Hindi naman binanggit kung kailan ilalabas ang listahan ng mga establisimyentong bubuksan.


Samantala, nananawagan naman sa pamahalaan ang ilang manggagawa na huwag na sanang bumaba sa P100 ang hinihiling nilang dagdag-sahod.


Paliwanag pa ni Defend Jobs Philippines Spokesman Christian Lloyd Magsoy, ayos lamang kung bumaba iyon sa P70, subalit ‘wag sanang mas mababa pa du’n, kung saan halos barya na lang.


Aniya, "Tingin ko, puwede na sa amin kahit mga P70, pero ‘wag na sanang bababa pa. Compromised na nga ‘yun. 'Wag naman sanang gawing barya ang ibigay na dagdag-sahod."


Sa ngayon ay pumapatak sa P537 ang kinikita ng isang minimum wage earner kada araw at hindi na iyon sumasapat lalo’t sumabay pa ang pandemya.


Matatandaang maraming manggagawa at maliliit na negosyante ang nawalan ng hanapbuhay mula nang lumaganap ang COVID-19 sa bansa, kaya sinisikap ng pamahalaan na balansehin ang ekonomiya at ang mga ipinatutupad na guidelines sa ilalim ng mahigpit na quarantine restrictions.


Nilinaw naman ng OCTA Research Group na maaari lamang makabalik sa maluwag na quarantine classifications o general community quarantine (GCQ) ang NCR Plus, sakaling bumaba na sa 2,000 ang mga nagpopositibo sa COVID-19 kada araw.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page