ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 2, 2021
Nagsimula nang magpatupad ng mahigpit na border control sa ilang probinsiya sa Luzon katulad ng Pampanga at Bulacan. Isinailalim sa general community quarantine (GCQ) "with heightened restrictions" ang NCR hanggang sa Agosto 5.
Ipatutupad naman ang enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon sa Agosto 6 hanggang 20. Sa Malolos, Bulacan, mahigpit na sinusuri ng mga awtoridad ang mga dokumento ng mga motorista sa mga checkpoints.
Sa Pampanga naman, simula ngayong araw, Agosto 2 hanggang sa 15, kailangang magpakita ng negative RT-PCR o antigen test result upang makapasok sa naturang lugar ang mga non-residents.
Mahigpit ding binabantayan ang mga borders at mga barangay sa Pampanga dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant. Samantala, umabot na sa 1,597,689 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa matapos maitala ang karagdagang 8,735 bagong kaso noong Linggo.
Sa naturang bilang, 63,646 ang aktibong kaso habang 1,506,027 naman ang mga gumaling na at 28,016 ang mga pumanaw.