top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 31, 2024




Umalis na mula sa Larnaca port sa Cyprus ang mga barkong magdadala ng 332 toneladang pagkain patungo sa Gaza, noong Sabado.


Inaasahan ang mga barko na dumaong sa Gaza sa maagang bahagi ng linggong ito.


Ito ang pangalawang shipment sa Marso, matapos buksan ng Israel ang 17-taong harang sa Gaza upang payagan ang pagpasok ng tulong mula sa Cyprus, na inihanda ng U.S. charity World Central Kitchen (WCK) para sa mga nagugutom na Palestino.


Sa isang hiwalay na misyon, plano ng United States na magtayo ng lumulutang na pier sa Gaza para magbigay ng tulong. Ayon kay Cypriot President Nikos Christodoulides, inaasahan na matapos ito sa ika-1 ng Mayo, ngunit maaaring handa na ito bandang ika-15 ng Abril.


Inihirit naman ng mga ahensya na ang pagpapadala ng pagkain sa pamamagitan ng dagat patungo sa Gaza, bagamat tinatanggap, hindi sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga tao. Patuloy silang nananawagan sa Israel na payagan ang mas maraming tulong na dumating sa pamamagitan ng pagbiyahe sa lupa.


Nagbabala na ang United Nations na malapit nang magkaroon ng nakamamatay na taggutom sa hilagang bahagi ng Gaza Strip, kung saan 300,000 katao ang naipit sa giyera.


Mahigit sa kalahati ng populasyon ng Gaza na 2.3 milyon ang maaaring magdusa sa malubhang gutom sa Hulyo.

 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | December 14, 2023




Pumabor na ang 'Pinas at sumama sa mga bansang sumang-ayon sa UN resolution na may panawagang tigil-putukan sa nangyayaring pag-atake ng Israel sa Gaza.


Matapos ang nagdaang pag-abstain ng bansa, bumoto na ito ng "yes" sa botohan hinggil sa tigil-putukan.


Matatandaang nagsimula ang palitan ng mga atake nang bombahin ng Hamas ang Israel na nagresulta sa pagkasawi ng ilan.


Kasalukuyang patuloy ang pag-atake ng Israel bilang ganti sa nangyaring insidente na naging dahilan ng libu-libong pagpatay sa mga inosenteng sibilyan kasama ang mga kabataan at kababaihan.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 17, 2023




Nag-anunsyo ang Department of Migrant Workers (DMW) na inaasahang darating ngayong Biyernes ang isa pang batch ng mga Filipino repatriates mula sa Israel.


Ito ay ang ika-8 batch na mga repatriate mula sa Israel na binubuo ng 32 Pinoy.


Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, umaabot na sa 264 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong matagumpay na nauwi sa bansa.


Samantala, tatlong karagdagang repatriates ang darating mula sa Lebanon, na may bilang na 31.


Umabot naman sa 150 Pinoy sa Lebanon ang naghihintay pang maproseso ang mga dokumento upang tuluyang makauwi na ng 'Pinas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page