top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 12, 2021



Maaari nang makapasok sa Puerto Galera, Oriental Mindoro ang mga turista kahit walang swab test basta fully vaccinated na laban sa COVID-19, ayon kay Mayor Rocky Ilagan ngayong Lunes.


Aniya sa isang teleradyo interview, "‘Yung aming strict border control ay mahigit 1 taon at kalahati nang ipinapatupad. Until now meron pong RT-PCR ‘pag ‘di pa vaccinated. ‘Yung fully vaccinated, pinapapasok na namin.


"Still maintained ang strict border protocol namin. Dadaan po sila sa minimum health standards na aming requirement."


Samantala, ayon kay Ilagan, bibigyan ng QR code ang mga turista para sa contact tracing purposes.


 
 

ni Lolet Abania | July 5, 2021


Umabot na sa mahigit 2.8 milyong indibidwal ang naitalang nakatanggap ng kumpletong dalawang doses ng bakuna hanggang nu'ng Hulyo 4 matapos ang higit na apat na buwan mula nang simulan ng bansa ang vaccination program kontra-COVID-19.


Batay sa latest bulletin ng National Task Force Against COVID-19, umabot sa 11,708,029 doses ng COVID-19 vaccines na ang kanilang na-administer mula sa 1,197 vaccination sites sa buong bansa.


Ayon din sa NTF, noong nakaraang linggo, humigit-kumulang sa 254,141 doses kada araw ang nabigyan nila ng COVID vaccines.


Nasa kabuuang 8,839,124 katao ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccine habang 2,868,905 indibidwal ang fully vaccinated na matapos na makumpleto ang dalawang doses ng bakuna.


Kabilang sa mga nabakunahang indibidwal ng unang dose ay nasa mahigit 1.7 milyon na mga health workers, 2.5 milyong senior citizens, 2.9 milyon na persons with comorbidities, 1.3 milyon na mga essential workers at 256,431 na mga indigents.


Habang ang mga fully vaccinated na Pinoy ay nasa mahigit sa 1.1 milyon na mga health workers, 788,630 mga senior citizens, 897,719 persons with comorbidities, 26,109 mga essential workers, at 227 mga indigents.


Target ng pamahalaan na tapusing mabakunahan kontra-COVID-19 ang 50 milyon hanggang 70 milyong indibidwal ngayong taon.


“The government is urging eligible populations belonging to priority groups A1 to A5 to register with their local government units, get vaccinated, and complete the required number of doses as scheduled,” pahayag ng task force.


“Regardless of vaccination status, everyone is urged to continue practicing the minimum public health standards as you may still get infected with COVID-19 and infect other people,” dagdag ng NTF.


 
 

ni Lolet Abania | June 28, 2021



Pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagluluwag sa mga travel restrictions para sa mga indibidwal na fully vaccinated kontra-COVID-19.


Ayon kay Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, makikipagpulong sila sa IATF ngayong Lunes upang talakayin ang posibilidad na i-waive na ang mga swab test results ng mga biyahero na nakatanggap na ng dalawang doses ng COVID-19 vaccines.


“May IATF meeting kami this afternoon, ang pinag-uusapan kung paano, let’s say kung fully vaccinated naman, baka hindi na kailangan mag-RT-PCR, pero ‘yun ay pinag-uusapan,” ani Puyat sa Laging Handa virtual briefing.


Matatandaang pinayagan ng gobyerno ang leisure travel para sa lahat ng edad mula sa NCR Plus bubble gaya ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan, sa mga tourist destinations sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).


Kinakailangan na magpakita ang mga travelers na below 18-anyos at mga edad 65 pataas ng negative RT-PCR test result para sa lahat ng tourist destinations na kanilang pupuntahan, kung saan requirement din ito sa lahat ng turista sa ilang lokal na pamahalaan.


Binanggit naman ni Puyat kamakailan na pinaplano rin nila na ang quarantine ay hindi na i-require sa mga turistang fully vaccinated sa mga susunod na buwan.


Samantala, pinalawig na rin ng DOT ang kanilang subsidy program, kung saan sinasagot nila ang 50% ng RT-PCR tests ng mga kuwalipikadong turista sa pakikipagtulungan ng Philippine Children’s Medical Center at ng Philippine General Hospital.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page