ni Lolet Abania | August 19, 2021
Nasa tinatayang 41 porsiyento na ng eligible population sa Metro Manila ang fully vaccinated laban sa COVID-19 hanggang nitong Agosto 18.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon sa Palace news conference ngayong Huwebes, may kabuuang 3.2 milyong vaccine doses na ang kanilang na-administer sa National Capital Region ngayong Agosto o nasa 178,000 jabs ang average kada araw.
Tiwala rin si Dizon na ang target na inoculation rate na 50% ay makakamit ng bansa hanggang sa Agosto 31.
Ayon sa Department of Health (DOH), mula noong Marso 1, 2021 ay nakapag-administer na ang pamahalaan ng 29,127,240 shots, kung saan nasa 16,250,043 ang nakatanggap ng unang doses habang ang bilang ng mga fully vaccinated na Pilipino ay nasa 12.87 milyon hanggang Agosto 18.
Samantala, sinabi ni Dizon na nakapagsasagawa naman ang bansa ng average na 60,000 COVID-19 tests kada araw mula ito noong Agosto 11 hanggang 17 at umaabot din ang mga tests ng 67,000 sa loob ng isang araw.
Subalit, ayon sa testing czar, hindi pa ito sapat habang plano niyang kausapin ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) hinggil sa reimbursement ng mga gastusin ng mga accredited testing laboratories.
“We will communicate with PhilHealth in the coming days to facilitate the reimbursement so that these laboratories will be able to purchase supplies and conduct tests more quickly,” ani Dizon.