ni Lolet Abania | December 7, 2021
Umabot na sa kabuuang 38.1 milyong indibidwal mula sa naunang 37 milyon na nai-report ang fully vaccinated na kontra-COVID-19, batay sa datos na ipinakita ng Department of Health (DOH) ngayong Martes.
Sa ikalawang bahagi ng Talk to the People, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na mahigit sa 38.1 milyong indibidwal o 49.48% ang fully vaccinated laban sa COVID-19 hanggang nitong Disyembre 5.
Bahagyang mas mataas ito sa 37.3 milyong fully vaccinated na indibidwal hanggang nitong Disyembre 2 na unang ini-report ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles.
Ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nakatanggap naman ng first dose ay tumaas na naging 56.7 milyon mula sa unang 52.4 milyon indibidwal na nabakunahan.
“’Yun pong ating 56.7 million sa first doses administered, nalampasan po natin ang ating target. Target po natin by the end of November is actually 54 million doses,” sabi ni Duque.
Nais ng gobyerno na maging fully vaccinated ang 54 milyong indibidwal hanggang sa matapos ang taon.
“Naniniwala po kami ni Secretary (Carlito) Galvez, Secretary Vince Dizon, ang atin pong chair ng National Vaccine Operations Center, na kaya po natin maabot ang ating 54 million completed jab rate by the end of the year,” ani Duque.
Hanggang nitong Disyembre 5, nakapag-administer na ang bansa ng mahigit sa 91 milyon doses ng COVID-19 vaccine.