ni Lolet Abania | January 8, 2022
Nasa tinatayang 250 healthcare workers ng Philippine General Hospital (PGH) ang tinamaan na ng COVID-19, ayon sa pamunuan ng ospital ngayong Sabado.
“Kung ang gagamitin natin na base ay 1,600 o ipagpalagay mo nang 1,000, mga 250 frontliners,” ani PGH spokesperson Jonas Del Rosario sa Laging Handa public briefing.
Bilang tugon sa pagtaas ng bilang ng COVID-19 admissions, sinabi ni Del Rosario na bahagya nilang binago ang kanilang polisiya hinggil sa updated isolation at quarantine protocols na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa mga healthcare workers.
“Basta wala po silang symptoms, tuloy lang po ang trabaho. Kasi po hindi namin kayang i-quarantine ang napakaraming empleyado, doktor, nurses at mga support staff kasi wala na pong matitira rito sa ospital,” ani Del Rosario.
“So ngayon ang policy namin, unless maging symptomatic ka, for example ikaw ay na-expose sa isa na may COVID pero wala ka pa namang symptoms, tuloy lang ang trabaho, hindi ka magku-quarantine. ‘Yan po ang crisis response ng PGH ngayon,” paliwanag ng opisyal.
Ayon kay Del Rosario, para maprotektahan ang kanilang mga healthcare workers laban sa impeksiyon, “leveled up” na ang kanilang personal protective equipment (PPE) na may N95 masks, at nagsasagawa ang pamunuan ng daily monitoring sa kanilang kondisyon.
Nitong Biyernes, inanunsiyo ng Malacañang na inaprubahan ng IATF ang pinaigsing isolation at quarantine period para sa mga fully vaccinated na health workers na na-infect o na-expose sa COVID-19.
“Hospital infection prevention and control committees are authorized to implement shortened quarantine protocols of five days for their fully vaccinated healthcare workers consistent with health care capacity needs and individualized risk assessment,” bahagi ng nakasaad sa IATF Resolution 156.
Gayundin, batay sa IATF Resolution, ang hospital infection prevention at control committees ay maaari ring magpatupad ng shortened isolation protocols laban sa COVID-19 para sa fully vaccinated na healthcare workers kung saan nakasaad, “in extreme circumstances and upon weighing risks and benefits.”