ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 6, 2023
“TRABAHO lang, walang personalan.”
Ito ang paliwanag ni Lolit Solis sa pagpayag ng alaga niyang si Paolo Contis na maging bahagi ng bagong Eat… Bulaga! ng TAPE, Inc. sa GMA-7.
As we all know ay bumalik na nga sa ere kahapon, Lunes (June 5) ang noontime show with their new hosts at kabilang na nga sa mga ito si Paolo.
Ayon kay ‘Nay Lolit ay idol ng aktor sina Tito Sotto, Vic Sotto and Joey de Leon o TVJ at kailanman ay hindi nito naisip na palitan o tapatan ang mga inirerespetong hosts.
“Idol ni Paolo Contis ang TVJ, Salve. Bata pa siya, fan na siya nina Tito, Vic and Joey. Ironic na nangyari ang 'gulo' ng TVJ at heto ngayon, isa sa mga hosts si Paolo Contis sa programa na ilalagay sa dating oras ng Eat… Bulaga!.
“Trabaho lang, walang personalan. Dahil kahit kailan, hindi papasok sa isip ni Paolo na magiging katapat siya sa programa nina Tito, Vic at Joey,” ang pahayag ni ‘Nay Lolit sa kanyang Instagram page.
Paliwanag pa ng veteran talent manager-columnist, “Under siya ng management ng GMA Artists Center at kung ano’ng trabaho ang ibigay sa kanya, tinatanggap niya. A good soldier following his superior.”
Naniniwala rin si ‘Nay Lolit na hindi naman siguro ito magiging dahilan para magkaroon ng “bad blood” sa pagitan ni Paolo at ng TVJ.
“Talagang hindi mo maiiwasan ang mga ganitong pangyayari. Kahit nga si Paolo, hindi akalaing mangyayari ito, pero ‘yun ang gusto ng management niya. At palagay ko naman, hindi ito magiging dahilan para magkaroon ng bad blood sa mga involved,” aniya.
Sa huli ay hangad niya na maging matagumpay daw ang dalawang Eat… Bulaga! na magbabanggaan sa ere.
“Sana nga ay maging matagumpay ang both parties dahil ang liit lang ng mundo ng showbiz.
Hindi na dapat meron pang maliliit na kaguluhan. Dapat lahat ay maayos. More work, the better. More shows, mas magaling. Basta trabaho, go lang, mas bongga,” pagtatapos ni ‘Nay Lolit.