ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | November 29, 2023
Nag-alala rin si Sen. Lito Lapid sa balitang nawawala ang kaibigan niyang veteran actress na si Azenith Briones kaya pinaimbestigahan din daw niya kung ano ang nangyari.
“Pumunta ‘yung kapatid niya sa ‘kin, hinahanap si Azenith. Eh, sabi ko, ‘Ano ba'ng problema?’
Eh, sabi niya, ipina-rehab daw ng mga anak, ‘yung 4 na anak niya, dahil nalulong daw sa casino. Ewan kung totoo,” kuwento ni Sen. Lito sa ginanap na early Christmas lunch with the entertainment press kahapon.
“Pinaimbestigahan na namin ‘yan, kasi, hindi kami puwedeng pumasok dahil pamilya, problema ng pamilya ito, eh. Kasi ‘yung apat na anak, parang pumirma sila. Pinaimbestigahan ko na rin. Ipare-rehab ‘yung nanay nila. Siyempre, wala akong magagawa ru’n."
Basta ang inalam daw niya ay kung buhay ba talaga at kinumpirma naman daw ng doktor sa rehab na nandoon si Azenith.
“Buhay naman, nandu'n. Cinertify naman ng doktor na nandu'n siya,” sabi ng action star-pulitiko.
Samantala, tulad din sa FPJ’s Ang Probinsyano kung saan ay muling tumaas nang bonggang-bongga ang kanyang popularidad, pinag-uusapan din ngayon si LL sa FPJ’s Batang Quiapo bilang si Supremo.
Isa siya sa malalaki ang kontribusyon sa FPJBQ lalo na nga sa mga matitinding action scenes.
At his age, kayang-kaya pa ni Sen. Lito ang mga buwis-buhay na action scenes and take note, siya talaga ang gumagawa ng stunts niya at ayaw niyang magpa-double.
“Alam kasi ng tao, stuntman ako, kahit noong nag-uumpisa ako sa Jess Lapid Story, hindi tayo nagpapa-double,” sey niya.
Pero aminado naman siyang maingat na rin siya sa paggawa ng mga death-defying stunts dahil hindi na siya bumabata.
“Medyo umiilag na rin ako, siyempre, may-edad na rin, eh. Ang sinasabi nila, baka ma-Eddie Garcia ako, huwag naman sana. At ‘yun nga, nag-iingat na rin ako, baka ang iniisip ko, kaya ko, ‘yun pala, ang katawan ko, hindi na. 'Yun ang ikinakakaba ko,” sey ni Supremo.
Good thing, sa tinagal-tagal daw niya sa paggawa ng stunts ay wala pa naman siyang nagiging bali sa katawan.
“Sa tagal-tagal ko sa pelikula, ang dami ko nang kababalaghan na ginawa, mga stunt, mga ganito, hinahampas sa mesa, pero wala pa akong bali hanggang ngayon. Sana, huwag naman,” pahayag ni LL.