ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Nov. 8, 2024
Photo: Julia at Coco - IG Coco Martin PH
Sobrang proud si Coco Martin sa long-time girlfriend na si Julia Montes matapos mapanood ang trailer ng Saving Grace (SG).
Si Julia ang isa sa mga bida ng nasabing upcoming Kapamilya series kasama sina Megastar Sharon Cuneta at Sam Milby.
“Sobrang proud, at ako rin, sobrang proud sa kanya kasi nakita ko na ‘yung trailer ng Saving Grace. Grabe, sabi ko, parang pelikula. (Ang) Galing ng mga directors and actors,” sey ni Coco sa panayam ng ABS-CBN.
Bukod dito ay very proud and thankful din ang aktor-direktor sa suporta at pagmamahal din sa kanya ni Julia.
“Nakakatuwa kasi ramdam na ramdam ko ‘yung pagmamahal n’ya sa ‘kin sa lahat ng ginagawa ko, mapa-pelikula o soap opera, at sa pagpo-produce ko,” sey ni Coco.
Dagdag pa niya, “Ang sarap na alam mong mayroon kang katuwang na alam mong mahal ka, sinuportahan ka, tapos give and take kayo. Nagbibigayan, walang inggitan, walang kompetisyon.”
Bagama’t umamin na sina Coco at Julia sa kanilang relasyon ay napapanatili pa rin nila ang pagiging pribado nila bilang magdyowa at sey ng aktor ay nais niyang manatili ito.
“Tahimik, tahimik ang buhay, walang intriga. Sabi ko nga, the more na tahimik ka, the more na ito ka lang, private ka lang, mas nakakaiwas ka sa ikasisira ng buhay mo or ikasisira ng relasyon,” sey ng Teleserye King.
PROUD na proud ang magkapatid na bida ng WPS o West Philippine Sea na sina Rannie and Lance Raymundo sa engrandeng red-carpet screening ng nasabing advocacy digital series na ginanap kamakailan sa Maynila Ballroom ng Manila Hotel.
Sa naturang screening ay ipinapanood ang first 2 episodes ng serye at kitang-kita na agad dito ang malaking papel ng magkapatid sa proyekto.
Sey nga nina Rannie at Lance, siguradong maraming matututunan ang manonood sa WPS lalo na sa mga tunay na nangyayari sa mga sundalong Pinoy na nakikipaglaban para sa bayan.
“This is not just a series, ito 'yung project na ginawa namin para bigyang-pugay ang ating mga sundalo. They are the real heroes here. Makikita ng mga kababayan natin kung paano nila ibinubuwis ang kanilang buhay para sa ating lahat,” pahayag ni Lance.
Sabi naman ni Rannie, “Marami na akong tinanggihang acting projects. Pero ito, hindi ko matanggihan dahil sa ilang bagay.”
“Advocacy project ito ng kaibigan nating si Dr. Mike (Aragon). Mahirap tanggihan kasi nga, para ito sa ating bansa. Nagbibigay ito ng awareness sa mga manonood, ng mas malalim na pang-unawa sa mga karapatan at responsibilidad nating mga Pilipino.
“Layuning ipaliwanag ng programang ito ang mga dahilan kung bakit kailangan nating ipaglaban ang bahaging ito, at bakit hindi tayo dapat pumayag na baliktarin ng mga may interes dito ang katotohanan,” aniya.
Isa pa ngang dahilan kung bakit hindi niya ito natanggihan ay dahil nandito rin ang younger brother niyang si Lance.
“Hindi ko lang s’ya kapatid. He’s my best buddy, my gym buddy. Mula pagkabata, kami na ang magkasama.
“At nakikita ko rin ang passion niya bilang singer at actor. Kaya sabi ko, kung gagawa ako ng isang acting project, dapat kasama ko ang kapatid ko,” sabi ng singer.
Masayang-masaya rin ang producer na si Doc Mike Aragon of Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) sa success ng event na bukod sa cast ay dinaluhan din ng mga opisyal at sundalo ng Philippine Navy.
Naroroon din ang mga supporters ng KSMBPI kaya naman punumpuno ang napakalaking Maynila Ballroom.
After the screening ay nagkaroon pa ng mini-concert kung saan ay nag-perform din ang ilang cast sa pangunguna ng magkapatid na Rannie and Lance.
Nag-perform din sina Daiana Menezes, Ali Forbes at ibang members ng cast. Present din sa event ang Vivamax stars na sina Ayanna Misola at Massimo Scofield.
Napapanood na ngayon ang WPS sa streaming platform na Viva One, at sa DZRH Television at DZRH Radio. Ito’y mula sa direksiyon ni Karlo Montero.