ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 10, 2024
Iba ang dating sa akin ng pagbasa noong nakaraang Huwebes. Nagbigay si Hesus ng talinghaga tungkol sa mabuting pastol. Sabi ni Hesus, ang mabuting pastol ay iiwanan ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang nawawalang isa. Hindi siya titigil hangga’t hindi niya natatagpuan ang isang nawawala. At kung matagpuan niya ang nawawala isasakay niya ito sa kanyang balikat at ibabalik sa kawan ng siyamnapu’t siyam. At mag-aanyaya siya ng mga kapitbahay upang kumain at uminom dahil natagpuan niya ang isang tupang nawala.
Ganito raw ang Panginoon. Naparito siya hindi para sa mga hindi nawawala, kundi para sa nawawala. Malinaw ang talinghaga at ang imahe ng nawawalang tupa na hinahanap ng Diyos. Tayo ang nawawalang tupa at ang hinahanap ng Panginoon at ganoon na lang ang kanyang galak kapag natagpuan niya tayo.
Nang pinagnilayan at pinagdasalan natin ang talinghaga ng isang nawawalang tupa at ang siyamnapu’t siyam na hindi nawawala at nananatili sa kawan, biglang nabaliktad ang aking nakita.
Katatapos lang ng halalan sa Estados Unidos at nanalo si Donald Trump laban kay Kamala Harris. Hindi masaya ito at hindi nakapagbibigay ng sigla at pag-asa ang balitang ito. Paano nangyari na ibinoto muli at ibinalik ng mga Amerikano ang pangulong napakaraming mga kaso at meron na ring mga “conviction” o mga kasong ipinanalo ng Estado laban sa kanya? Hindi yata ang isang tupa ang nawawala.
Ang nawawala yata ang siyamnapu’t siyam. Anong nangyari noong pambansang halalan noong 2016? Bakit ibinoto at pinapanalo ng karamihan sa mga botante ang isang ‘kriminal’ na kandidato?
Ayon sa kaibigan kong Pinoy na propesor sa isang unibersidad sa Estados Unidos, usung-uso na sa buong mundo ang kanyang tinawag na “criminal populism”. Ano ang ibig sabihin ng nito? Ang “criminal populism” ay ang umiiral na sitwasyon sa Amerika.
Mukhang sawa na ang mga botante sa matitinong kandidato. Hinahanap na nila ang mga may kaso, mga kriminal. Merong 91 kaso si Donald Trump. At ilang kaso niya ang natalo at siya ay nahatulang may sala. Sa kabila nito, higit siyang popular kaysa kay Kamala Harris.
Hindi nalalayo ang Pilipinas sa sitwasyon ng Estados Unidos. Ito ang sinabi ni Jose Dalisay sa kanyang FB page.
Isang araw bago maghalalan sa Estados Unidos, isinulat ang mga sumusunod ni Dalisay na may malakas na pangamba na baka matalo si Harris at muling manalo si Trump: “So if the Americans choose Trump over Harris, why should we be surprised? Where character, reason, and talent no longer matter, the tyrants rule with fools at their feet to keep the populate amused.”
At ito ang lumabas sa FB page ng isang kaibigang nakatira sa Japan: “Character, moral compass, critical thinking, where were you?”
Nagkataong dumalo tayo sa Ateneo University Awards noong nakaraang Miyerkules ng hapon. Binigyan ng pagkilala ang anim na mahuhusay, maprinsipyo, may malawak at malalim na pangarap na naisakatuparan ang mga ito. Siyempre iilan at kaunti lang ang mga espesyal at bukod-tanging mamamayan. At ang nakararami ay hindi ganoon katino, kagaling at kalalim. Kaya nabaliktad na rin ang mga tao. Sa halip na mas marami ang matitino, nag-iisip at may moralidad, tila mas marami na ang walang anumang prinsipyo, kompas moral at ang kakayahan ng mapanuring kaisipan. Hindi na hinahanap at pinapalakpakan ang mga matitino dahil mas interesado ang nakararami sa mga walang prinsipyo malaswa ang dila, sinungaling, magnanakaw at higit sa lahat walang paggalang sa buhay at kinikilaw nila.
Dahil nagbabago na ang mga botante at tila naglalaho na ang mga matitinong kandidato, nagkakaganito na ang maraming bansa sa mundo. Paano maibabalik sa tuwid na kaisipan at pagpapasya ang nakararami? May pag-asa pa ba? Anong mangyayari sa darating na midterm elections sa 2025? Paano tayo boboto? Sinu-sino na naman ang mananalo?
Hindi maaaring pairalin at palaganapin ang negatibo at walang pag-asang pananaw. Hindi maaaring sumuko sa mali at madilim.
Laging may pag-asa habang may buhay. Totoong pagod na tayo. Nakakapagod magsikap na baguhin ang bansang malalim ang problema. Ngunit may magagawa tayo at kailangang kumilos. Ito ang panawagan ni Cielo Magno sa kabubuo pa lamang niyang kilusan ng mga kabataang tinawag niyang Phil Kita. Hindi pa sumasama ang maraming kabataan sa siyamnapu’t siyam na tila nawawalan na ng kompas moral at mapanuring kaisipan.
Mag-uusap, mag-aaral, kikilos upang unti-unting mabaliktad ang kalagayan ng bansa. Ibaling natin at pagtulungang hikayatin ang ating mga kabataan na hindi nagkamaling tawagin ni Dr. Jose Rizal na “pag-asa ng ating bayan.”