ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 23, 2024
Marahil, nakalimutan na ng marami ang nangyari noong Marso 17, 1995. Subalit, marami pa rin ngayon ang buhay na noon para maalala ang pangalang Flor Contemplacion.
Hindi na ganoon kalinaw ang aking alaala sa mga pangyayari ng araw na iyon, halos 30 taon na ang nakararaan. Pero tiyak kong nagkaroon ng misa sa EDSA Shrine at dumalo tayo. Isang misang protesta laban sa pagbitay kay Flor Contemplacion ang naganap bandang ika-10 ng umaga. Naalala ko ang dobleng lungkot na aking naramdaman dahil magkasunod ang kamatayan ni Flor at ng aking tiyuhin na inatake sa puso.
Maraming nagalit sa pamahalaan ng Singapore sa pangyayari at ganoon na lang ang pagtindi ng reaksyon ng marami hindi lang laban sa nasabing bansa kundi sa ating sariling gobyerno. Bakit? Dahil sa makupad at mahinang pagtatanggol at pagsuporta sa isang maliit na OFW.
Noong hinuli si Flor Contemplacion at pinagbintangan sa pagpatay kay Delia Mamaril Maga at sa inaalagaang bata nitong si Nicholas Huang (3 taong gulang).
Ngunit, hindi ganu’n katibay ang ebidensya laban kay Flor. Walang “suspect” sa simula.
Natunton lang ng mga pulis si Flor sa pamamagitan ng diary ni Delia Maga. Dahil dito, hinuli si Flor Contemplacion na madaling nagkumpisal sa krimen. Sa kabila ng lahat, lumitaw ang isang testigo sa katauhan ni Evangeline Parale. Ayon kay Parale, hindi pinatay si Nicholas kundi nalunod. At nang malaman ng nanay nito ang nangyari, doon nito umano pinatay si Delia Maga na kanyang pinagbintangan sa pagkamatay ng kanyang anak.
Sa kabila ng lumitaw na testigo na pinabubulaanan ang kuwentong si Flor ang pumatay kay Delia Maga at Nicholas Huang, mabagal at mahina ang naging pagkilos ng Philippine Embassy. Ayon sa mga ulat, wala diumanong taga-Philippine Embassy ang dumalo sa mga ‘hearing’ sa kabuuan ng paglilitis kay Flor.
Dalawa ang ebidensyang nakalap ng mga imbestigador kay Flor. Una, ang kanyang kalusugan noong araw ng mismong krimen. Ayon sa kaisa-isang testigong Evangeline Parale, nagkasama sila ni Flor sa ospital at doon nito ibinahagi ang kanyang kalagayang sikolohikal sa araw ng kamatayan nina Maga at Huang. Dumaraan si Flor sa “partial complex seizure” (kakaibang uri ng epilepsy) noong araw ng pagkamatay nina Maga at Huang. Hindi ito tinanggap ng korte kaya’t muling iginiit nito ang pagkakasala ni Flor. Ang ikalawang ebidensya ay ang mismong pahayag ni Flor na siya ay pinahirapan
(tinortyur) para aminin na siya ang pumatay sa dalawa.
Mula Mayo 4, 1991 (araw na natuklasang patay sina Delia Maga at Nicholas Huang) hanggang sa araw ng bitay ni Flor Contemplacion, kakaunti ang nagawa ng pamahalaan para kay Flor. Hindi ito masasabi sa mga grupong tutol sa bitay na kasama rin ang iba’t ibang grupong “anti-death penalty” at “pro-life” mula Simbahang Katoliko na nagkampanya rin sa pagligtas kay Flor Contemplacion. Ano kaya’t tinutukan at pinagtiyagaang tutulan at ipagtanggol ng ating pamahalaan ang pagbitay kay Flor Contemplacion? Baka buhay pa siya ngayon.
At salamat na lang sa tiyaga, malasakit at tuluy-tuloy na pagbabantay ng lahat ng mga grupong inilaban naman ang paglaya ni Mary Jane Veloso sa kanyang kulungan sa Indonesia, malapit na siyang makabalik sa Pilipinas sa ilalim ng programang, “Lipat Kulungan.”
Hindi pinalalaya si Mary Jane, kundi pinapayagan lang makulong sa sarili niyang bansa. Subalit, malinaw na wala nang intensyon ang pamahalaan ng Indonesia na ipataw ang batas ng bitay kay Mary Jane. Labing-apat na taon mula sa pagkakakulong ni Mary Jane hanggang ngayon, hindi tumigil ang pamahalaan at ang iba’t ibang mga samahan na ilaban ang kaso ni Mary Jane. At kung siya ay pinayagang umuwi na, malinaw na bunga ito ng tuluy-tuloy at sama-samang pagkilos mula diplomasya hanggang mga legal na pamamaraan at ang maraming malikhaing plano para mapanatiling buhay na buhay ang istorya ni Mary Jane.
Ano kaya’t ganundin ang naging pagtulong at pagsuporta ng pamahalaan at ng iba’t ibang grupo kay Flor Contemplacion? Siguro si Flor Contemplacion ang isa sa mga tumulong para hindi mabitay at mabuhay pa’t makauwi sa Inang Bayan si Mary Jane Veloso.