ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 22, 2022
Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong Year of the Water Tiger.
Kung ikaw ay isinilang noong 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Snake o Ahas.
Sinasabing kilala rin ang Ahas sa pagiging tiyak sa lahat ng kanyang ginawa at buo ang kanyang loob. Dahil dito, birang-bihira kang makakatagpo ng Ahas na bigo sa buhay dahil kahit ano’ng kabiguan at pagsubok ang kanyang maranasan, tiyak na siya ay babangon at babangon upang muling manaig at magtagumpay sa anumang layunin o proyektong kanyang nasimulan.
Dagdag pa rito, ang isa pang kakaiba sa personalidad ng Ahas ay sinasabing tugma sa kanya ang kasabihang, “Kapag tahimik ang batis, ito ay napakalalim.” Ganu’n mismo ang pagkatao ng Ahas, kung saan kadalasan ay tahimik lang sila, ngunit mapapansin mong sobrang lalim na pala ang kanilang iniisip.
Sa aspetong pakikipagrelasyon at damdamin, mahinhin at tahimik sa panlabas na anyo ang Ahas, ngunit wild, maharot, marahas at bigay na bigay sa panahon ng pag-e-express ng damdamin, partikular sa aspeto ng romansa. Kaya naman kapag naging kapareha mo ang Ahas, tiyak na sa larangang panseksuwal at pandamdamin ay paliligayahin ka niya nang sobra.
Bukod sa mahusay sa romansa at seksuwal na aspeto, sobrang pinoproteksiyunan din ng Ahas ang mga taong napapalapit sa kanya, kinakalinga at talaga namang minamahal, kaya masasabing hindi lang siya mahusay sa romansa kundi masarap din siyang mag-alaga at magmahal ng kasuyo.
Dahil likas na matalino at magaling mag-alaga ng kapareha, kahit gaano pa kasalimuot o hindi normal ang relasyon na kanyang napasukan, ito ay nagagawa pa rin niyang ipreserba at minsan, ito ay nagiging maligaya at nagagawa pa ring maging masarap at panghabambuhay.
Dagdag pa rito, dahil likas na mapang-akit, kadalasan ay maraming nagiging lihim at lantarang nakakarelasyon ang Ahas. Bagama’t ang iba ay panandalian lamang, ang ilan naman ay nagtatagal at nagiging panghabambuhay.
Sa pag-aasawa, ka-compatible o sadyang tugma sa Ahas ang isa ring materyoso, may pagkatuso at mahilig magpayaman na Ox o Baka. Habang matatagpuan naman ng Ahas ang may plano at masinop na pagpapamilya sa isang Rooster o Tandang. Kaya naman sa 12 animal signs, pinaniniwalaang ang Baka at Tandang ang “the best” na makapareha ng Ahas upang umunlad ang kanilang pamumuhay at ang itatayo nilang pamilya ay tiyak na magiging maligaya at panghabambuhay na.
Samantala, bukod sa Baka at Tandang, tugma at ka-compatible rin ng Ahas ang Dragon, Rabbit, at Tupa. Sapagkat matatagpuan ng nasabing mga hayop sa Ahas ang hinahanap nilang elegante, masaya at masarap na pamumuhay. Sa katotohanan, dahil likas na matalino at mapang-akit, halos lahat ng animal signs ay talagang ka-compatible ng Ahas, gayundin, sadyang mahusay siyang makibagay. Kaya anumang relasyon ang nais niyang patagalin at ipreserba ay madali naman niyang nagagawa na maging maligaya at maging pang-forever.
Itutuloy