ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | May 7, 2022
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Pig, Boar o Baboy ngayong Year of the Water Tiger.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007 at 2019, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Boar, Pig o Baboy.
Dahil likas na matulungin at mapagmahal sa kanilang kapwa, sadya namang lapitin ng suwerte at magagandang kapalaran ang mga isinilang sa Taon ng Baboy. Para sa kanila, kung ano ang nasa puso mo, gawin mo, dahil ang nasa pusong ito ng mga Baboy ay ang likas na pagiging mabuti. Kaya naman sa huli, bumubuti at lalong nagiging buwenas ang kanilang kapalaran.
Dagdag pa rito, batid ng mga Baboy na ang natural na batas ng kalikasan ang magbibigay sa kanila ng suwerte at magandang kapalaran, hanggang patuloy silang naglilingkod sa kanilang kapwa at gumagawa ng kabutihan.
Tulad ng Baka, ang mga Baboy ay nagsisikap at nagtitiyaga, ngunit ang kaibahan nila, ginagawa ito ng mga Baboy nang may arte, lambing at saya dahil ang pagiging malambing at masayahin ay isa sa mga pangunahin nilang katangian.
Kaya naman ang mga Baboy ay hindi basta dinadatnan ng lungkot at kamalasan dahil tulad ng nasabi na, anuman ang dumating sa kanilang bahay, itinuturing nila itong may maganda at mabuting kauuwian dahil batid ng mga Baboy na sadyang malakas sila sa nasa itaas. Kaya anuman ang sapitin nila, sa huli, sila ay kusang pinapatnubayan at binibigyan ng suwerte at magagandang kapalaran ng langit.
Sa pag-ibig, romansa at pakikipagrelasyon, ang mga Baboy ay nahihirapang magtago ng kanilang damdamin o emosyon. Kaya kapag nakursunadahan ka ng Baboy, malamang na sinadya man o hindi, makikita mo agad ang kanilang pagkalinga, lambing at pagmamahal sa iyo. Bukod sa malambing at mapagmahal, tunay ang mga Baboy ay mahusay ding kapareha sa romansa. At dahil hindi niya maitago ang damdamin at pagnanasa, kadalasan ay nauuwi sa kabiguan at pagkadismaya ang unang pag-ibig ng mga Baboy. Subalit tulad ng nasabi na, higit na nagiging maligaya at very satisfied ang Baboy sa ikalawang pag-ibig o pakikipagrelasyon kung ikukumpara sa una.
Samantala, ka-compatible naman ng Baboy ang mahinhin at tahimik na Tupa o Kambing at ang sopistikadong Kuneho. Mauunawaan ng Kambing ang itinatagong damdamin ng Baboy. Habang masasarapan naman ang Kambing sa malambing at mapagkalingang Baboy.
Pagpupursigihan namang ayusin at lalo pang pakikinisin ng Kuneho ang medyo magaspang at padaskol na ugali ng Baboy, habang tuturuan ng Baboy ang Kuneho upang lumakas ang loob at palaging maging positibo ang kanyang mga pananaw sa buhay.
Bukod sa Kuneho at Kambing o Tupa, ka-compatible rin ng Baboy ang Tigre.
Habang ang relasyong Baboy sa Baboy ay maaari namang sa umpisa lang magiging masaya at sa bandang huli ay posibleng mauwi rin sa panlalamig at pagkasawa sa isa’t isa.
Puwede ring makasama ng Baboy ang Daga, Baka, Dragon, Kabayo, Tandang at Aso, dahil ang pagiging excess o paglalabis sa maraming bagay ng isang Baboy ay kayang disiplinahin at limitahan ng nasabing mga animal signs.
Itutuloy