ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 7, 2023
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Rabbit.
Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014, at 2026.
Sinasabing sa 12 animal signs, Kabayo ang pinaka-busy sa lahat. Masyadong hectic ang kanilang schedule, palaging nagmamadali at akala mo ay aligagang-aligaga sa bawat araw ng kanilang sinisimulan.
Bukod sa aligaga o palaging nagmamadali, ang Kabayo ay sinasabing may kakayahan din sa pagmu-multitask, kung saan napagsasabay-sabay niya ang maraming gawain sa isang tumpok na sandali. Puwedeng habang may kausap siya sa cellphone ay nagtitipa sa computer ang kanang kamay, naghahalo ng kape ang kaliwang kamay, habang nagbabasa ng dyaryo at nangunguyakoy pa. Ganu’n kahusay ang mga Kabayo, kaya kadalasan ay hindi nila namamalayan na nawawalan sila ng konsentrasyon sa isang gawain lamang.
Dahil maangas at palaging maraming ginagawa, kailangang-kailangan ng Kabayo ang pamamasyal, gala o gimmick. Sapagkat ang mga pamamasyal na ito ay nakakatulong sa kanya upang hindi lamang marelaks ang kanyang katawan, kundi para makapagpahinga rin ang kanyang kaluluwa at isipan. Kapag nakapag-recharge ang Kabayo, kung saan nakapamasyal na siya malapit sa kalikasan, bumabalik ang kanyang lakas at suwerte, habang ang magagandang kapalaran ay lalo pang dumarami.
Kabaligtaran naman nito, kapag ang Kabayo ay nasanay sa kakatrabaho at nakalimutang mamahinga at maglibang, sa halip ay puro paghahanapbuhay na ang inatupag at pinagkaabalahan, ang ganitong style ng pamumuhay ang tiyak na maghahatid sa Kabayo sa pagkakasakit, kalungkutan at kamalasan.
Kaya tulad ng nasabi na, kung ikaw ay tipikal na Kabayo, mahalaga na mayroon kang regular na gimmick, gala o pamamasyal, kahit dalawang beses lamang sa loob ng isang taon o isang beses kada buwan.
Bagama’t hindi mahusay na tagapayo dahil laging dinadagdagan at kinukulayan ang mga pangyayari at sitwasyon, ang Kabayo ay marami ring palabok kung magsalita, kung saan sinasabing masarap siyang kasama dahil malilibang ka talaga sa kanya, hindi lamang sa mga sinasabi niya kundi pati sa kanyang mga ginagawa. At tulad ng nabanggit, masaya siyang kasama kaya kahit maikling panahon lang, dahil kapag kasama mo ang Kabayo, pansamantala mong makakalimutan ang lahat ng iyong problema sa buhay.
Kaya sa 12 animal signs na humarap sa palasyo ni Lord Buddha, matatagpuan ang Kabayo na isa sa may pinakamaraming kaibigan dahil bukod sa siya ay masaya at masarap kasama, siya rin ay mapagbigay at matulungin sa kanyang mga kaibigan.
Dahil dito, sobrang palakaibigan at bihira sa mga Kabayo ang napipirmi sa bahay.
Gayundin, dahil tulad ng nasabi na, bukod sa gimmick at pamamasyal, gustong-gusto ng Kabayo na siya ay nasa galaan kasama ang tulad niyang easy go lucky na mga kaibigan.
Itutuloy