top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-19 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.

 

Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Kuneho o Rabbit. 

 

Ang Kuneho o Rabbit ay silang mga isinilang noong taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011 at 2023

 

Sinasabing ang animal sign na Rabbit o Kuneho ay may zodiac sign na Pisces sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Neptune. Ang masuwerte nilang direksyong ay ang silangan higit lalo tuwing sasapit ang alas-5 hanggang alas-7 ng umaga.

 

Pinaniniwalaan din na higit na mapalad ang Kuneho, kung siya ay isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init, kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.

 

Tunay ngang kung may naghahangad ng kapayapaan, kapanatagan at kampanteng buhay, lalo na sa tahanan o sa pamilya, ang nangunguna rito ay walang iba kundi ang animal sign na Rabbit. Dahil para sa kanila, ang lahat ng ligaya at tagumpay ay makakamit lamang nila sa mapayapa at tahimik na tahanan o pamayanan. Kaya naman kapag magulo ang kanilang paligid, asahan mo na masisira lang din ang diskarte ng isang Kuneho. Pero, kung patitirahin mo sila sa subdivision o lugar na napapaligiran ng mga halaman, punong kahoy at kalikasan, asahan mo ang nasabing Kuneho ay sadyang liligaya, magtatagumpay, makakatanggap ng iba’t ibang uri ng suwerte at magandang kapalaran.

 

Ang isa pang nakakatuwang ugali ng Kuneho ay matulungin at mapagmahal din sila. Kung saan, hindi sila pumapayag na makakita ng pamilya na sobrang naghihirap sa buhay. Dahil sobrang baba ng kanilang loob, madaling nababagabag ang kanilang damdamin. 

 

Sa katunayan, bagay na bagay sa isang Kuneho ang mga propesyong pari, madre, at mga nagmimisyoneryo na ang layunin ay ang tumulong nang tumulong at maghatid ng ayuda para sa mga mahihirap. Kaya nga, ang social worker at community development worker ay bagay na bagay din sa mga Kuneho. Dagdag pa rito, minsan natatagpuan ang Kuneho na hindi na nakakapag-asawa, dahil ang ginawa nilang propesyon o pamilya ay ang mga mahihirap. Kung minsan, ito rin ang nagiging dahilan kung bakit ang mga Kuneho ay kapos din sa personal na tagumpay at achievement sa buhay, dahil karamihan sa kanila mas inuuna pa ang makatulong sa kanilang kapwa, kesa na mag-ipon at magpayaman.

 

Kaya mas mainam kung ang propesyon ng isang Kuneho ay may kaugnayan sa nasabing mga gawain, upang higit siyang magtagumpay at lumigaya. Tulad ng nasabi na, tugma ang social worker, pinuno ng mga charitable institutions at puwede rin naman sa kanila ang pamomolitika na may dalisay na layunin at hangarin na tumulong sa kanilang kapwa. Kung saan, tulad ng nasabi na, sa gawaing iyon mas higit silang magtatagumpay at liligaya.

 

Bukod sa likas na pagiging mabait, taglay din ng isang Kuneho ang pagiging matulungin at madali niyang nararamdaman ang pangangailangan ng ibang tao, lalo na ang mga kapus-palad at mahihirap.

 

Dahil sa pagiging mabait at matulungin ng mga Kuneho. Natutuwa tuloy ang langit sa kanila, kaya palagi silang pinagpapala ng langit nang hindi nila namamalayan. Kaya naman madalas may dumarating sa kanilang malalaki at bultu-bultong suwerte na hindi nila inaasahan at maisip kung bakit sila pinagkalooban ng ganu’ng suwerte.

 

Dahil sa mga nabanggit na likas na ugali ng Kuneho, mabait at matulungin, sinasabing bukod sa Dragon ang Kuneho o Rabbit ay isa rin sa pinakamapalad. 

 

Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 

 

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-17 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tigre o Tiger. 


Ang Tigre o Tiger ay silang mga isinilang noong taong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022. 


Ngayong 2024, aangat nang husto ang enerhiya at kasiglahan ng Tigre. Kasabay nito, masasagupa nila ang iba’t ibang masalimuot na pagbabago at pangyayari. Sa panahong ito, masusubok ang kanilang husay, galing at katatagan sa mga nakakakabang pagdedesisyon. Kung tama ang kanilang pagpapasya, ang mga suliranin at problema ay tiyak na maiko-convert sa positibong kaganapan. Susuwertehin at magtatagumpay ang mga Tigre ngayong 2024. 


Gayunman, alalahanin n’yo na anumang mangyari at maganap, huwag kang masyadong magpapaka-stress sa mga pangyayari. Sapagkat, kung magdedesisyon ka basta-basta, ‘yung mga suwerte at magagandang kapalaran na hawak mo ngayong 2024 ay maaaring mawala. Ibig sabihin, sa pagiging kalmado, mas matitiyak ang tagumpay at ligaya ngayong Green Wood Dragon.


Sinasabing sa first quarter ng taong ito, maraming mga pagsubok at suliranin silang mararanasan. Bagama’t may mga bagong proyekto at oportunidad na darating, kasabay nito ang mga panibagong responsibilidad na magpapairita sa kanilang karanasan. Mas mainam na mag-relax sa panahong ito, kesa sumuong sa malalaking venture na maaaring magdulot ng problemang pangkalusugan.


Sa second quarter naman, unti-unti nang huhupa ang mga negatibong pangyayari na naranasan nila noong nakaraang buwan. Magsisimula na muling umangat ang kanilang kita. Kasabay nito, gaganda na rin ang kanilang career at maraming oportunidad na pangmateryal na bagay ang mabubuksan. Ito ang panahong dapat nilang itago ang malaking halaga ng salapi na darating at mahahawakan nila para hindi masayang at maubos sa walang kabuluhang paggastos. 


Sa panahon ding ito, unti-unti nang ngingiti ang panibagong pag-ibig at masayang pakikipagrelasyon na hindi inaasahan ng Tigre.


Habang sa ikatlo hanggang last quarter ngayong 2024, magkahalong suwerte at saya ang kanilang mararanasan na may sundot ng manaka-nakang pagbabago na magdudulot ng kakaibang suliranin ngunit sa bandang huli ay may malaking sorpresa na pagkakakitaan at pagdoble ng kabuhayan.


Sa business, career at pangangalakal, bagama’t aangat ng bahagya ang kinikita sa aspetong pangkabuhayan ngayong 2024, hindi naman pinapayagan na ang isang Tigre na mag-invest ng malaking halaga, dahil may babala na ma-scam lang sila. Kaya naman kung susubukan nilang magnegosyo o mangalakal, dapat nilang iwasan na maglabas ng malaking puhunan. Sa halip, ang dapat nilang piliin ay ang investment o negosyong maliiit lang ang puhunan. Sa ganyang paraan, maiiwasan nilang mawalan ng malaking halaga ng salapi. 


Samantala, pinapaalala rin na kung sakaling may dumating na biglaang suwerte at halaga ng salapi na hindi inaasahan ngayong 2024, mas mainam na itabi o ipunin na lang ito at gawing savings or security para sa future.


Sa pag-ibig, kung ikaw ay isang single, ngayong taon n’yo na matatagpuan ang bago at mas masayang pag-ibig, higit lalo kung nakalimutan n’yo na nang lubusan ang mga taong nanggulo sa inyong nakaraan. Kaya naman, maging positibo lamang kayo at laging tumingin sa magagandang bahagi ng iyong buhay upang magdatingan ang mga sorpresa at masasayang pag-ibig na tiyak namang  maghahatid ng isang maligaya at nakakakilig na romansa ngayong 2024.


Dagdag dito, sinasabi ring sa buong taon ng Green Wood Dragon, likas at sadyang mapalad ang Tigre, mula sa ika-19 ng Enero hanggang sa ika-28 ng Pebrero, mula sa ika-19 ng Mayo hanggang sa ika-29 ng Hunyo at mula sa ika-19 ng Setyembre hanggang sa ika-19 ng Nobyembre.  


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-14 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tigre o Tiger. 

 

Ang Tigre o Tiger ay silang mga isinilang noong taong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022. 

 

Sa pag-ibig, sinasabing ang Tigre ay laging naghahanap ng mga taong magmamahal sa kanila. Kung saan, hindi mahalaga sa kanila ang mali at tama. Bagkus, ang higit na mas pinahahalagahan nila ay kung sino ang aalalay at tunay na magmamahal sa kanila.


Sinasabi ring likas na maramdamin at malalim magalit ang isang Tigre, gayunman sobra naman itong umibig at magmahal na kadalasang ito rin ang nagiging dahilan kung bakit sila napagsasamantalahan ng mga taong kanilang minamahal. Dahil sa labis na pagmamahal, wala silang tinitira para sa kanilang sarili, tulad ng nasabi na, kapag iniiwan sila ng kanilang mga kasuyo, talaga namang nakakaranas sila ng matinding depresyon at kabiguan.


Dagdag dito, dahil likas na mabait at may mabuting kalooban, sinasabi ring masamang magalit ang isang Tigre, handa nilang gawin ang lahat para makaganti sa mga taong kinamumuhian nila. Pero, kung makikiusap at ipapaunawa mo sa isang Tigre ang nangyaring sitwasyon at humingi ng sorry o tawad sa kanila, mabilis naman silang magpatawad at lumimot sa mga nakaraang kamalian ng kanilang kapwa.


Sa sandaling nakatagpo sila ng pag-ibig, tunay namang ine-enjoy at nilalasap talaga nila ito. Kaya naman sobrang sarap at sagad sila kung magmahal, lalo na kapag natagpuan nila ang isang babae o lalaki na magpapaligaya sa kanila habambuhay. Kaya ang kadalasan na nagiging resulta, agad nilang ibinibigay ang kanilang sarili, pagkatao at kaluluwa.


Mahilig din ang Tigre sa mga bata, kapag may nakakasama silang bata, agad nilang nakakalimutan ang kanilang mga problema at labis talaga silang nalilibang. Kung saan, ang mga bata rin ang nagbibigay sa kanila ng suwerte,  inner happiness at spiritual therapy.


Tugma at ka-compatible naman ng Tigre ang isang Kabayo na kung saan, ang Tigre at Kabayo ay kapwa nagiging masaya sa mga gawaing kanilang natatapos. Dagdag dito, nakakatulong din ang malakas na pakiramdam ng Kabayo sa mga paparating na panganib sa buhay ng mga Tigre. Kung saan, sa mga panganib at suliranin nabanggit na hindi inaasahan ay tiyak namang maililigtas ng Kabayo ang Tigre.


Samantala, handa namang ipagkaloob ng Baboy sa Tigre, ang isang masaya at maligayang pagpapamilya. Gayunman, tugma at compatible rin ng Tigre ang Aso, dahil likas itong matalino. Tunay ngang madaling nauunawaan ng isang Aso ang komplikado at kakaibang ideya na iniisip ng isang Tigre.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page