ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 18, 2023
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Rabbit.
Ang Tandang o Rooster ay silang mga isinilang noong taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, at 2029.
Hindi lang palapintas at perpeksyunista ang Tandang, bagkus, mahilig din siyang makipagdebate.
Asahan mo na habang siya ay nagpapaliwanag, sa kanyang husay, napapabilib niya ang lahat ng nakikinig at nanonood.
Ang problema lamang, kapag may nakadebate na ang Tandang, kahit siya ay mali, hindi siya aamin, sa halip, pilit siyang maghahanap ng palusot upang hindi mo mapangalandakan ang kanyang pagkakamali. At dahil perpeksyunista, ayaw niyang makakita ng pagkakamali sa ibang tao, gayundin sa kanyang sarili.
Subalit kapag nagkamali talaga ang isang Tandang at napansin niyang ganu’n ang kanyang nagawa, tulad ng nasabi na, tatawanan niya lang ito at paninindigan niyang hindi siya nagkamali.
Kaya kung ikaw ay may karelasyon na Tandang, mas mabuting iwasan mong makipagtalo sa kanya dahil tiyak na hindi ka mananalo sa isang pilosopo at mahilig magpalusot na Tandang kahit huling-huli na siya.
Kung ikaw naman ay nagkataong nakapag-asawa ng Tandang, kailangang handa kang makinig sa mga katwiran niya at habaan mo ang iyong pasensya, gayundin, dapat kang makinig sa kanyang mga kuwento upang lalong lumawig at lumigaya ang inyong pagmamahalan habambuhay.
Samantala, dahil mahilig mamintas sa mga kahinaan at pagkakamali ng kanilang kapwa, kadalasan ay hindi masaya ang Tandang na makisalamuha sa mga kaibigan o lipunan na kanyang ginagalawan.
Ito ay dahil mas nauuna niyang makita ang pagkakamali ng kapwa kaysa sa mga tama at kabutihan nitong nagawa.
Dahil dito, minsan ay nagiging mailap ang Tandang sa kanilang mga kaibigan at kasamahan.
Halimbawa, sa trabaho o kung saang institusyon siya kabilang, ginusto niya man o hindi, ‘ika nga, aloof at may pagka-loner ang kadalasan nangyayari sa buhay ng Tandang sa panahong siya ay nakikisalamuha sa lipunan.
Ang nakatutuwa pa sa isang Tandang, bagama’t aloof at loner, sinasabi niyang siya ay matalino, magaling at sikat, sa isip-isip niya, kapag may pinaparangalan, habang nakaupo sa isang sulok at ‘yung pinaparangalan ay umaakyat na sa stage, bumubulong-bulong ang Tandang sa kanyang sarili at sinasabing, “Paano kaya naparangalan si Mr. Engot, eh, samantalang magaling pa ako r’yan?”
Ganu’n ang attitude ng Tandang sa halos lahat ng larangan ng buhay, palagi niyang naiisip na mas magaling siya sa kanyang kapwa at akala naman niya ay totoo ito.
Samantalang kapag siya ang mapaparangalan, ang nasa isip niya naman ay,“Kulang pa nga ang karangalang ito sa kakayahan at galing ko!”
Ganu’n kayabang ang Tandang, pero hindi niya ito pinagsasabi at nahahalata dahil hindi naman siya makuwento. Sa halip, tulad ng nasabi na, dahil aloof at loner siya, hindi niya nahahalata na sa loob ng natatago niyang katawan o unconsciously, siya lang talaga ang nakakaalam at minsan ay hindi niya pa ito alam, talaga namang ang mga Tandang, bukod sa sobrang bilib sa kanyang sarili ay sobrang yabang pa at akala mo ay magaling na magaling siya sa lahat ng kanyang kilala at nasasakupan.
Itutuloy