ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 25, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Snake o Ahas.
Dahil likas na matalino at may pagka-praktikal, mabilis na nauunawaan ng isang Ahas ang mga nangyayari sa kanyang kapaligiran, mabuti man ito o masama. Kaya naman sa anumang pagdedesisyon na ginagawa niya sa buhay, mas malamang na palaging eksakto sa kanyang mga gusto at pang-araw-araw na pangangailangan. Ganundin sa pagpili ng mga kaibigan, natitiyak ng isang Ahas na makikipagkaibigan lamang siya sa mga taong may malawak ding pang-unawa, praktikal at makatutulong sa kanya sa oras ng pangangailangan. Dahil dito, sinasabing namimili ng kaibigan ang isang Snake, ngunit hindi naman ganu’n dahil sa taglay niyang katusuhan, ang kadalasang nangyayari ay nakikipagkaibigan siya sa lahat, pero ibinubukod niya sa kanyang isipan ang mga kaibigang tunay at talaga namang maaasahan sa mga kaibigang alam niyang mapagkunwari, may pagka-plastik at hindi totoo.
Bagama’t hindi naman gaanong maramdamin at emosyonal tulad ng Rabbit at Tupa, ang isang Ahas ay nagtatanim din ng galit at sama ng loob. Kung saan, bagama’t hindi niya ito inaamin, madalas na tinatandaan niya ang mga taong nagkakasala sa kanya, at anumang sandali sa isang pinakalihim at hindi halatang paraan, tiyak na gagantihan niya ito nang hindi nahahalata ng mga taong nagkamali at nagkasala sa kanya. Sinasabing kung magiging bukas ang isip at talaga namang mas magiging genuine o tunay na mapagpatawad, marami pang suwerte at magagandang kapalaran ang ipagkakaloob ng langit sa isang Snake.
Ang ikinaganda pa sa isang Ahas, anumang dumating na mabibigat na problema at pagsubok, makikitang nananatiling matatag ang Ahas at kadalasan ay tinatawanan o binabalewala lang niya ang mga problema, gaanuman ito kabigat. Dahil likas na matalino at may pagka-praktikal, alam na alam niya na sa kaibuturan ng kanyang puso at isipan, kahit anong suliranin ang dumating, hindi naman ito mananatili, dahil ito ay tulad ng mabilis na pagpihit ng panahon na lilipas din. Dahil sa positibong pananaw na ito ng isang Ahas, palagi nang natatagpuang maunlad, masagana at masaya ang kanyang buhay hanggang sa panahon ng kanyang pagtanda at retirement age.
Sa pagdedesisyon, bihira sa mga Ahas ang bigo sa buhay dahil bukod sa katalinuhan, taglay din nila ang will power. Kung saan, sa sandaling ginusto talaga nila ang isang bagay, walang dahilan upang ito ay hindi nila makamit.
Tunay ngang anuman ang pagbuhusan ng pagsisikap at determinasyon ng isang Ahas, ito ay siguradong kanyang makakamit, higit lalo kung ang mga proyekto na pagsisikapan niyang makamit at sasahugan ng will power ay mga gawaing may kaugnayan sa negosyo at pagkakaperahan, sinasabing tunay na yayaman at uunlad nang sobrang yaman ang isang Snake.
Samantala, ang maging pangunahing suliranin ng isang Ahas sa panahon siya ay ubod ng yaman na, sobrang hilig niya sa luxury, leisure at pagpapasarap sa buhay, na kadalasang kapag hindi nasawata, ang mga naipon niyang salapi, sa halip na i-invest pa sa mga negosyong mapagkakakitaan ay nawawaldas lamang nila sa walang kapararakang mga bahay.
Kaya sinasabing kung matututunan lamang ng isang Ahas ang magpahalaga sa salapi at ‘wag tumigil sa pag-i-invest o sabihin na nating nakalokahan talaga niya ang pagnenegosyo, ang Ahas ay sobrang yayaman talaga nang bonggang-bongga at ubod ng yaman.
Itutuloy