ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 08, 2021
Sa mga nakaraang araw, tinalakay natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake ngayong 2021.
Sa pagkakataong ito, ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran naman ng animal sign na Horse o Kabayo ang ating tatalakayin.
Kung ikaw ay isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Horse. Sinasabing ang Kabayo ay siya ring Gemini sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Mercury.
Gayunman, pinaniniwalaang ang mga Kabayo ay higit na papalarin mula alas-11:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon.
Habang ang mapalad namang direksiyon ng Kabayo o Horse ay ang south o timog na bahagi ng mundo o ng inyong tahanan o bakuran.
Sinasabing ang mga Kabayo na isinilang sa panahon ng tag-sibol at tag-araw ang higit na mabilis, malakas at talaga namang may magandang kapalaran kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng winter o tag-ulan.
Dagdag pa rito, pinaniniwalaan ding bubulas nang husto ang magagandang kapalaran sa buhay ng isang Kabayo sa panahong siya ay nasa middle age kung saan ganap at nasa rurok na talaga ang kanyang mga karanasan.
Pangunahing katangian ng Kabayo ang pagiging masayahin, laging in the mood, hindi mapakali, hindi napapagod at napakahirap tanggihan.
Higit niyang pinahahalagahan ang pagiging malaya at ayaw na ayaw niyang nakakulong sa bahay. Dahil dito, sa 12 animal signs, ang Kabayo o Horse ay isa sa pinakamahilig sa adbentura at pakikipagsapalaran dahil ‘yun ang ikinaliligaya niya.
Kaya naman kung career ang pag-uusapan, ‘wag na ‘wag mong kukulungin ang Kabayo sa isang kuwarto tulad ng mga propesyon na ang gawain lamang ay ang maghapon na nakatutok o nakaharap sa computer. Kung ganito ang nangyaring trabaho o gawain sa kanya, tunay ngang hindi siya magiging maligaya, maliban na lang kung tuwing lingo o every weekend ay gagala siya o gi-gimmick kasama ang mga kaibigan at kabarkada.
Bukod sa pinahahalagahan ang pagiging malaya at mga adbentura, sinasabi ring ang Horse ay isa sa 12 animal signs na may mabilis at matalinong pag-iisip. Kumbaga, halimbawang may problema o iniisip na proyekto ang isang team o kumpanya, mabilis niyang naiisip ang dapat at kailangang solusyon.
Sa totoo lang, dahil sa taglay na likas na katalinuhan ng isang Kabayo, hindi lang solusyon ang agad niyang naiisip sa isang sitwasyon o problema, bagkus kadalasan pa nga ay nahihinuha at alam na alam na niya ang kauuwiang pangyayari, kung saan kadalasan ay palaging tama at tumpak ang haka-haka niyang nabanggit.
Kaya naman ang Horse ay higit na nagiging maligaya at matagumpay sa isang propesyon o gawaing ginagamitan talaga ng isip at malalim na pag-aanalisa. Tulad ng paglalaro ng chess, kaya naman siya ang napiling heneral sa isang maselang digmaan, na anumang desisyon sa bawat oras o sandali habang nagaganap ang giyera o digmaan, ay nangangailangan ng mabibilis at tumpak na desisyon.
Itutuloy