ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 14, 2022
Napunta sa defending champion Kaya FC Iloilo ang numero unong puwesto matapos patikimin ng unang talo ang Dynamic Herb Cebu FC, 3-0, sa huling araw ng 2022 Copa Paulino Alcantara group stage, Huwebes sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sa sumunod na laro, naisalba ng Stallion Laguna FC ang huling upuan sa semifinals sa bisa ng 0-0 tabla sa United City FC.
Sinimulan ni Patrick Arthur ang atake ng Kaya sa free kick sa ika-15 minuto. Dinoble ni Daizo Horikoshi ang lamang, 2-0, sa kanyang penalty kick sa ika-34 minuto matapos siyang pabagsakin malapit sa goal.
Hindi pa rin kuntento, pinapasok ni Coach Yu Hoshide si Jesse Curran sa ika-57 minuto at agad nagbago ang timpla ng laro. Dalawang minuto pa lang ang lumilipas ay nagpasahan sina Curran at Robert Lopez Mendy upang tulungan si Horikoshi na maitala ang pangalawang goal sa laro at siguraduhin ang panalo, 3-0.
Numero-uno ang Kaya na may 16 puntos buhat sa limang panalo at isang tabla habang pumangalawa ang Dynamic Herb na may 13 puntos (4-1-1). Kinailangan pang hintayin ang resulta ng pangalawang laro upang matukoy ang makakaharap ng Kaya sa semifinals ngayong Mayo 16.
Naging sapat ang 0-0 tabla para pumantay ang Stallion sa Maharlika FC Manila na parehong may apat na puntos subalit pasok ang Stallion dahil mas mataas ang kanilang goal difference na -3 kumpara sa -7 ng Maharlika. Naglaro pa rin ang Stallion na hanap ang panalo upang walang duda ang pagpasok at binomba nila ang goal ng UCFC na binantayan nang mabuti ni goalkeeper Matt Silva.