ni Anthony E. Servinio @Sports | June 24, 2024
Laro ngayong Lunes – Manahan Stadium
7:30 PM Pilipinas vs. Indonesia
Susubukan ng Philippine Men’s Football National Team na bumawi sa ikalawang laro nila sa 2024 ASEAN Football Federation (AFF) Under-16 Boys’ Championship ngayong Lunes kontra sa host at defending champion Indonesia sa Manahan Stadium ng Surakarta simula 7:30 ng gabi. Galing ang mga Pinoy sa mapait na 0-3 talo sa Laos noong Biyernes sa parehong palaruan.
Binuksan ng mga Laos ang laro sa goal ni Kamkasomphou Daophahad sa ika-39 minuto. Nadoble ang agwat sa sipa ni Xaisongkham Sikanda sa ika-50 at tinuldukan ng isa pa kay Soulinbanh Vongdeuan bago itinigil ng reperi ang laro.
Pareho rin ang 3-0 iskor ng Indonesia laban sa Singapore para sumosyo sa liderato ng Grupo A. Hinatid nina Mierza Firjatullah (39’), Evandra Florasta (59’) at Alberto Hengga (86’) ang mga goal at tiyak sila ang mamarkahan ngayon ng depensang Pinoy.
Samantala, inihayag ng negosyanteng si Jefferson Cheng ang kanyang pagbitiw bilang Team Manager ng Women’s National Team. Sa tulong ni Cheng, umabot ang Filipinas sa 2023 FIFA Women’s World Cup at maraming iba pang mga makasaysayang karangalan.
Nagpaalam na si Cheng kay PFF Director For National Teams Freddy Gonzalez na tumatayo rin bilang Team Manager ng mga kalalakihan. Sinubukang magtugma ng layunin ang parehong panig sa nakalipas na ilang buwan subalit umabot sa punto na hindi ito mangyayari kung titingnan ang mga umiiral na kondisyon.
Walang nakatakdang malaking torneo ang Filipinas sa mga nalalabing buwan ng taon. Sa 2025 pa gaganapin ang Southeast Asian Games at hindi pa tiyak kung kailan ang depensa nila sa AFF Women’s Championship na napagwagian nila noong 2022 sa Rizal Memorial.