ni Anthony E. Servinio @Sports | Oct. 15, 2024
Photo: PH vs Tajikistan - Kings Cup 2024 - Philippine Men's National Football Team
Nauwi ng Philippine Men’s Football National Team ang medalyang tanso sa ika-50 King’s Cup! Ibinaon ng mga Pinoy Booters ang Tajikistan, 3-0, sa punong Tinsunalon Stadium sa Songkhla, Thailand. Nagtapos ang unang 45 minuto na walang goal.
Ibang klaseng koponan ang bumalik para sa pangalawang half at bumuhos na ang mga goal nina Gerrit Holtmann (47’), Jefferson Tabinas (58’) at Zico Bailey (62’). Ito ang unang tagumpay ng Pilipinas mula noong tinalo ang Afghanistan, 2-1, sa FIFA Friendly sa Rizal Memorial Stadium noong Setyembre 12, 2023.
Sinundan ito ng 10 laro na talo o tabla. Nakabawi ang mga Pinoy sa mga Tajik na naging kalaro nila para sa ikatlong puwesto sa Merdeka Tournament sa Malaysia noong Setyembre 8. Nagtapos ang 90 minuto sa 0-0 kaya kinailangan ng penalty shootout na nagtapos sa 4-3 at mapunta ang medalya sa Tajikistan.
Nakatala rin ng kanyang unang panalo ang bagong head coach Albert Capellas. Una niyang inihayag na babaguhin niya ang estilo ng paglalaro ng mga Pinoy na mas tututok sa paglikha ng maraming goal at napatunayan niya ito.
Nagkampeon ang host Thailand at dinaig ang Syria, 2-1. Winasak ni Chanathip Songkrasin ang 1-1 tabla sa ika-91 minuto. Tinalo ng mga Thai ang Pilipinas sa semifinals noong Biyernes, 3-1, kung saan inihatid ni Bjorn Kristensen ang nag-iisang goal.
Nanaig ang mga Syrian sa Tajikistan, 1-0. Sunod para sa pambansang koponan ang FIFA Friendly kontra Hong Kong sa Nobyembre. Ang ultimong pinaghahandaan nila ay ang AFF Mitsubishi Electric Cup sa Disyembre.