ni Thea Janica Teh | October 28, 2020
Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko nitong Martes nang gabi sa pagbili at paggamit ng mga hindi rehistradong produkto tulad ng asukal na ang tatak ay SM Bonus.
Sa inilabas na advisory ng FDA nitong Oktubre 22, 2020, ito ang ilan sa mga produktong hindi pa rehistrado:
• Melvan Ginger Brew with Turmeric and Lemongrass
• Sweet Valley Freeze Dried Cranberry Coated with Milk Chocolate
• Lorenzo Farm Dark Chocolate
• SM Bonus Brown Sugar
• SM Bonus Refined Sugar
Nagsagawa umano ang FDA ng post-marketing surveillance sa mga produktong nabanggit at napag-alamang wala itong sapat na dokumento tulad ng Certificate of Product Registration (CPR).
Ayon sa FDA, hindi sigurado ang kalidad at kaligtasan sa pagbili at pagkain ng mga ito dahil hindi ito dumaan sa kanilang ebalwasyon. Ilan sa mga kinakailangan ng mga processed food operators ay ang 2 uri ng authorization mula sa FDA upang masiguro na pasado sa regulatory body standard ang kumpanya at produkto nito bago isapubliko.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng SM Bonus at iba pang brand tungkol dito.
Matatandaang noong Setyembre ay nagbabala ang ahensiya sa pagbili ng liver spread na Reno dahil hindi ito rehistrado.
Agad naman itong inaksiyunan ng Reno at ngayong Oktubre ay bumalik na ulit sa merkado.