ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 7, 2021
Handang magsagawa ng clinical trials ng Ivermectin sa mga isolation facilities ang Philippine Red Cross (PRC) kung pangangasiwaan ito ng pamahalaan, ayon kay Senator Richard Gordon.
Pahayag ni Gordon sa teleradyo interview, “Hindi naman nakamamatay ang Ivermectin, wala pa akong nalaman na namatay.
“Ang naririnig ko, hati-hati ang mga doctor. Ako, ang pakay ko bilang Red Cross, hindi ako gagalaw na walang testing.”
Aniya pa, “Ngayon kung mag-a-Ivermectin tayo, ang gobyerno ang magsasabi kung puwede o hindi dahil sila ang talagang dapat dahil kung magbigay tayo niyan, masisisi.”
Nabanggit din ni Gordon ang nangyari sa kontrobersiyal na Dengvaxia kung saan marami ang namatay sa mga naturukan.
Saad pa ni Gordon, “‘Yung Dengvaxia, minadali ng gobyerno. Marami ang nagalit dahil minadaling pilit.
“Ang nangyari, may namatay kaagad. Meron palang sakit na iba, namatay. At marami nang namatay ulit, eh, di nasisi ‘yung… Ako, hindi ko sinisi ang Dengvaxia, ang sinisi ko, ‘yung nagmamadali tayo at dahil kung hindi mo ite-testing, buhay ng tao ang nakataya riyan. Kaya hihintayin ko ang result.”
Kamakailan ay sinabi ni Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) Executive Director Dr. Jaime C. Montoya na pinag-aaralan na ng pamahalaan na gamitin ang mga PRC facilities sa pagsasagawa ng clinical trials.
Saad ni Gordon, “Ngayon ino-offer-an kami ng DOST. Gobyerno na ‘yan. Na kung puwede, 'yung mga nasa isolation namin, subukan ang trials ng Ivermectin.
“Papayag lamang ako niyan ‘pag sinabi ng gobyerno na ‘Ah, sige, pumayag ka.’ At papayag lang ako niyan kung papayag ang tao… dapat informed. So far, hindi pa ako pumapayag. Sa tingin ko, eh, kani-kanyang biyahe ‘yan. Kung gusto mong maniwala ru’n sa gamot… nasa iyo ‘yun, pero dapat, maganda ring matulungan ang gobyerno dahil masyadong malakas ang debate.”
Aniya pa, “Sabi ko, I will consider it first. Papayag lang ako 'pag sinabi ng FDA, ng let’s say mga informed scientists, ‘Sige i-test mo, walang makakasama diyan’ at kung papayag ang tao.
"I will wait for advise… 'Pag science ang kailangan, I always marry the science with the prospective cure. I cannot decide because ang scientist ang nakakaalam. Maraming laboratoryong kailangan, maraming karunungan ang kailangan d'yan na hindi malalaman ng isang abogadong katulad ko.”