ni Mary Gutierrez Almirañez | April 8, 2021
Pinayagan ng Food and Drug Administration (FDA) ang ‘compassionate use permit’ ng Ivermectin sa isang ospital upang gamitin sa pasyenteng may COVID-19, ayon kay FDA Director General Eric Domingo ngayong araw, Abril 8.
Aniya, “Na-grant na iyong special permit for compassionate use kasi alam naman namin na investigational product ito against COVID-19. May isang ospital na nag-apply for compassionate use at na-grant na nga nang araw na ito.”
Dagdag pa niya, "Ito lang naman po ang laging sinasabi ng FDA, hindi po kami kontra sa Ivermectin, kailangan lang po na irehistro ang produkto at dumaan lamang po sa tamang proseso ng pagsiguro po ng quality ng gamot na makakarating sa tao."
Matatandaang ipinagbawal ng FDA ang paggamit ng veterinary product na Ivermectin bilang alternatibong gamot sa COVID-19 dahil may masamang epekto ito sa tao.
Samantala, hindi naman binanggit ni Domingo kung anong ospital ang nagsumite ng ‘compassionate use permit’.
Sa ngayon ay 646,404 na ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa COVID-19.