top of page
Search

ni Madel Moratillo | June 17, 2023




Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa sikat na laruang lato-lato.


Sa inilabas na Public Health Warning Advisory ng FDA, nakasaad na hindi ito dumaan sa kanilang pagsusuri. Kaya naman maaari itong magdulot ng banta sa kalusugan.


Maaari umanong ang mga sangkap ng laruan ay hindi angkop na maging laruan ng bata. Nagbabala rin ang FDA sa posibleng injury dahil sa paglalaro nito.


Babala naman ng toxic watchdog group na Ban Toxics, delikado ang lato-lato dahil puwede itong maka-choke, magdulot ng eye-injury, o makasakal dahil sa tali nito.


Ayon sa grupo, ang lato-lato ay banned na sa Estados Unidos, United Kingdom, at Canada dahil sa safety hazards at mataas na panganib sa mga bata.


Nanawagan naman si Thony Dizon, ng BAN Toxics, na huwag nang ibenta ang laruan na ito malapit sa mga eskuwelahan.


 
 

ni Mabel Vieron | March 2, 2023




Inilunsad ng America ang crackdown ng Xylazine na isang animal tranquilizer o mas kilalang “zombie drug” na iniuugnay sa overdose killings.


Batay sa Food and Drug Administration, ang Xylazine o mas kilala sa street name na “tranq” ay nadiskubre sa mga illicitly manufactured fentanyl, heroin, cocaine at iba pang drugs na nagdulot ng public health concern.


Inihayag ng US-FDA na layon ng aksyon na mapigilan ang posibleng pagpasok ng gamot sa US market para sa illicit purposes.


Binigyang diin ng FDA na ang nasabing gamot ay magagamit pa rin naman sa mga hayop kung saan ginagamit ito ng mga beterinaryo para ma-sedate ang mga hayop gaya ng mga kabayo at usa.


Napag-alaman na napapabagal ng Xylazine ang paghinga, blood pressure at heart rate hanggang sa critically low levels at maaaring magdulot ito ng skin ulcer at abscesses na maaaring magresulta sa amputation.


 
 

ni Lolet Abania | May 31, 2022



Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas ang emergency use authorization (EUA) ng COVID-19 vaccine ng Moderna para sa mga batang edad 6 hanggang 11, ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) ngayong Martes.


Sa kanilang regular briefing, sinabi ni Health Promotion and Communication Service Director Dr. Beverly Ho na nai-grant na ng Philippine FDA ang amendment ng EUA ng Moderna noong Mayo 20, 2022, sa paggamit nito bilang primary vaccine series kontra COVID-19 para sa nasabing age group.


Gayunman, naghihintay pa ang DOH sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) para sa paggamit ng Moderna sa mga edad 6 hanggang 11.


Ito ang magiging batayan o guide ng Health Technology Assessment Council (HTAC) para sa kanilang independent evaluation. Batay sa na-published at peer-reviewed clinical data, ayon sa ZP Therapeutics ng Zuellig Pharma Corporation sa isang statement, ang dalawang 50-μg doses ng Spikevax vaccine ng Moderna ay mayroon anilang, “an acceptable safety profile and elicits a strong immune response for children aged 6 to 11.”


Ipinunto pa nila, na ang efficacy ng Spikevax para sa mga naturang age group ay katulad ng nakukuha ng mga adults. “This is a welcome development in expanding COVID-19 vaccine access within our pediatric population,” sabi ni Zuellig Pharma Corporation medical doctor Dr. Philip Nakpil.


“The Spikevax COVID-19 Vaccine Moderna boosts opportunities in ensuring more children are protected against the virus,” aniya pa.


Matatandaan noong Disyembre 2021, inaprubahan ng FDA ng bansa ang EUA ng Pfizer COVID-19 vaccine para sa edad 5 hanggang 11.


Base sa national COVID-19 vaccination dashboard ng DOH, tinatayang nasa 151 milyon doses na ang na-administered sa bansa hanggang Mayo 29, 2022.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page