ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 15, 2020
Sinopla ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritikong nagsasabing mabagal ang pagresponde ng pamahalaan sa mga residente ng Cagayan at Isabela na nagmakaawa ng tulong matapos ma-trap sa kani-kanyang bahay dahil sa matinding pagbaha.
Nang tanungin si P-Duterte ng mga reporter kung ano ang masasabi niya sa umano’y “mabagal” na pagresponde ng pamahalaan, aniya, “Istorya lang ‘yan. Kailangan pa ba na tumakbo rin ang gobyerno nang mabilis? You go right away and spend money, you land with the Ombudsman. So give them time to make the proper assessment and all.
“Saan ang bagal dito? Nandiyan ang pagkain, the housing, nandiyan. They are ready to implement. They have the money. Pampulitika ‘yan, sa totoo lang. That’s a political punchline.” Kumalat sa social media ang mga larawan at videos kung saan makikita ang kalunus-lunos na dinanas ng mga tao sa Cagayan at Isabela.
Mayroon ding audio record kung saan maririnig na humihiyaw, umiiyak, nagmamakaawa at nananawagan ng tulong ang mga tao na naapektuhan ng matinding pagbaha.
Pero ayon kay P-Duterte, handa ang pamahalaan sa sakuna. Aniya, "The one in charge sa mga preparations for emergency, long before dumating ‘yung typhoon, naka-deploy na ‘yang mga tao rito including the nearest, ‘yung mga makinarya, nandiyan na. “Lahat ng departamento, may contingency plan ‘yan sila.
They have the money already. Sinadya ko ‘yan.. It’s a matter of assessment. You cannot go on a spending spree without knowing what you are spending for."