ni Lolet Abania | June 25, 2021
Nasa 18 katao ang nasawi habang 16 ang nasugatan matapos ang sunog sa isang martial arts school sa central China ngayong Biyernes nang umaga.
Batay sa report ng local media, karamihan sa mga biktima ay mga boarding students na nasa edad 7 at 16.
Agad namang naapula ang apoy habang iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog, ayon sa pahayag ng Zhecheng county government.
Sa ulat ng Beijing Toutiao News base sa lokal na gobyerno, mayroong 34 estudyanteng naka-board sa loob ng nasabing eskuwelahan nang sumiklab ang apoy.
Bukod sa 18 nasawi, may 16 pa na nasugatan, kung saan apat sa kanila ang nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ngunit agad namang naisugod sa ospital. Ayon sa doktor sa local media, “We’re doing everything we could to save them.”