ni Mary Gutierrez Almirañez | March 28, 2021
Nakahandang maglaan ng financial assistance ang pamahalaan para sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho habang ipinapatupad ang isang linggong lockdown sa NCR Plus Bubble, ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ngayong araw, Marso 28.
Aniya, "We are prepared anyway to provide cash assistance sa ating displaced workers, especially 'yung nasa formal employment, and of course' yung ating mga OFWs. For the formal workers, we will rely on employers who will submit to us mga pangalan ng workers nila na na-displace. Hopefully, with this one week lockdown, medyo maiwas-iwasan natin ‘yung unemployment result nitong matinding health protocols.”
Paliwanag pa niya, makakatanggap ng P5,000 ang mga displaced formal workers, habang P10,000 naman ang matatanggap ng mga OFWs at para sa mga informal workers na kaka-hire lamang at biglang nawalan ng trabaho dahil nag-lockdown ay makakatanggap din ito ng ayuda na katumbas ng minimum wage salary.
Giit naman ni Employer’s Confederation of the Philippines President Sergio Ortiz Luiz Jr., "Ang nakikita kong mapeperhuwisyo, ‘yung mga no-work, no-pay na mga empleyado... Pinapakiusapan 'yung malalaking miyembro namin, sana kargahin na lang ninyo ‘yung Lunes, Martes, Miyerkules para hindi naman masyadong mahirapan ang mga tao nila." Simula bukas ay ipapatupad na sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite ang mas mahigpit na quarantine restrictions, kasabay ng mas pinaagang curfew mula alas-6 nang gabi hanggang alas-5 nang madaling-araw.
Sa ilalim nito ay maaari pa ring mag-commute ang mga papasok na empleyado sapagkat pinapayagan namang bumiyahe ang pampublikong transportasyon, gayunman limitado lamang ang kapasidad ng mga puwedeng sumakay.
Sa pagtatapos ng enhanced community quarantine (ECQ) sa ika-4 ng Abril ay inaasahang mapapababa nito ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19, partikular na sa Metro Manila na sentro ng pandemya.