ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 30, 2020
Ibinasura ni Pinoy Grandmaster Wesley So ang dalawang karibal mula sa Ukraine upang hatakin ang USA papunta sa semifinals ng malupit na FIDE Online Chess Olympiad.
Sa dalawang matches sa final 8, tinangay ng tropa ni So ang tagumpay para makuha ang karapatang makasagupa ang Russia sa kompetisyong apat na bansa na lang ang natitirang nakatayo.
Bukod sa USA at Russia, nasa semis na rin ang India at Poland. Tinalo ng India ang Armenia, 2.0-0.0 samantalang naungusan ng Poland ang Azerbaijan, 2.0-1.0.
Ang world chess power na China, kampeon sa huling standard Chess Olympiad sa Batumi ay laglag na sa kompetisyon. Ang Philippine Team o Agila naman ay nagsimulang kumamada ng mga panalo sa Division 2 ng torneo pero hindi nakapasok sa top 3 ng Pool A kaya naging miron na lang. Pero naging best performer naman ng Pool sa board 1 si GM Mark Paraguay.
Sa kabilang dako, umangat naman galing sa Division 3 patungong Division 2 ang tropang International Physically Disabled Chess Association o IPCA ni Pinoy FIDE Master Sander Severino pero hindi napabilang sa unang tatlong finishers sa Pool nila kaya nagwakas na rin ang kanilang paglalakbay.
Tiklop kay So si dating World Rapid Chess winner GM Vassily Ivanchuk sa unang salang ng 26-anyos at tubong Cavite na chesser sa quarterfinals upang pangunahan pagpoposte ng US ng isang 4.5-1.5 na panalo. Sa pangalawang salang sa board 1, dumapa naman si GM Anton Korobov sa dating hari ng ahedres sa Pilipinas at kasalukuyang hari ng Random Chess sa buong mundo sa 4.0-2.0 na tagumpay para pa rin sa Estados Unidos.