ni Mylene Alfonso | April 10, 2023
Nais ni House Speaker Martin Romualdez na may managot sa pagkasunog ng barkong MV Lady Mary Joy 3, na naging dahilan ng pagkamatay ng 31 katao at 2 pa ang nawawala sa karagatang ng Baluk-baluk Island sa Basilan kamakailan.
Kinalampag din ang Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) na alamin ang puno't dulo ng pagkasunog ng barko.
Dapat umanong natuto na ang MARINA at PCG mula sa mga nakaraang trahedya sa sasakyang pandagat, lalo na dahil sa overloading.
Ani Romualdez, mismong si Mayor Arsina Kahing-Nanoh ng Hadji Muhtamad, Basilan ang nagsabi na nahirapan ang mga otoridad sa rescue operation dahil sa inaccuracy ng passenger manifesto.
Binanggit din na kung pagbabatayan ang bilang ng mga naligtas at bilang ng nasawi, hindi ito tugma sa record ng PCG.
Aniya, dapat na may managot sa insidente at pahintuin na muna ang paglalayag ng iba pang barko ng naturang shipping line.