ni Thea Janica Teh | October 28, 2020
Patay ang isang pulis sa Northern Samar matapos i-raid nitong Lunes ang isang ilegal na sabungan at matamaan ng blade ng manok ang kanyang femoral artery o pinakamalaking ugat sa hita.
Kinilala ang pulis na si Lieutenant Christian Bolok. Ayon kay Provincial Police Chief Colonel Arnel Apud, kumukuha umano ito ng mga panabong na manok bilang ebidensiya nang tamaan ang kanyang kaliwang hita ng blade.
Aniya, "I could not believe it when it was first reported to me. This is the first time in my 25 years as a policeman that I lost a man due to a fighting cock's spur."
Tatlong katao ang inaresto at nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang dalawa pang panabong na manok. Ipinagbabawal ang sabong at iba pang cultural events sa panahon ng pandemya upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.