ni Fely Ng - @Bulgarific | June 27, 2021
Hello, Bulgarians! Inanunsiyo ng SSS na umabot na ito sa 40.49 milyong miyembro noong Abril 2021 na nagbigay-daan sa ahensiya upang mas mapalawak nito ang social security protection sa mas marami pang mamamayan, lalo na sa panahon ng pandemya.
Halos 76 porsiyento o 30.77 milyon ay employed members habang 5.03 milyon naman ay voluntary paying members, 3.35 milyon ang self-employed members, at 1.34 milyon ay Overseas Filipino Worker (OFW) members.
“Ang mabilis na pagtaas ng bilang ng miyembro ay patunay lamang na pangunahing pangangailangan ang SSS sa mga manggagawang Pilipino. Nauunawaan nila na ang social security protection ay investment at insurance at hindi dagdag-gastusin. Ang miyembro ng SSS ay maaaring makakuha ng mga benepisyo at may pribilehiyong makautang dito kaya sila ay siguradong may maaasahan sa panahon ng pangangailangan. Maaari ring mapakinabangan ng mga legal na benepisaryo ang mga benepisyong ito kung sakaling pumanaw na ang miyembro,” ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio.
Ilan sa mga benepisyo ng SSS ang benepisyo sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkatanggal/pagkawala ng trabaho, pagreretiro, pagkamatay at pagpapalibing. Kuwalipikado ring makautang sa iba’t ibang programang tulad ng salary, calamity, educational, social development loans at pension loan naman para sa mga retiradong-pensiyunado.
Upang maging miyembro ng SSS, makakakuha ng Social Security (SS) Number sa website www.sss.gov.ph o sa pamamagitan ng SSS Mobile App.
“Mas inayos din naming ang online application ng SS number upang hindi na kailangan pang pumunta ng mga miyembro sa mga tanggapan ng SSS upang magsumite ng mga kailangan na dokumento. Maaari rin silang magsumite ng mga simple correction at mag-upload ng mga kinakailangan na dokumento sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account upang maging permanente ang kanilang SS number,” dagdag ni Ignacio.
Para sa kompletong listahan ng mga kinakailangang dokumento upang mabago ang status mula “temporary” at maging “permanent,” maaaring i-download ang SSS Member Data Change Request Form sa https://bit.ly/MemberDataChangeForm.
Para sa mga kare-rehistro pa lamang ng kanilang SS number online, sila ay padadalhan ng link upang i-activate ang kanilang My.SSS account registration sa ilalim ng 2-in-1 SS number online application.
“Dahil mas pinadali ang proseso dulot ng ating online at mobile platforms, mas marami na ang nag-apply para sa SSS coverage. Maliban sa pagkuha ng SS number, ang mga miyembro at employers ay hindi na rin kinakailangan pang pumila sa mga tanggapan ng SSS dahil halos lahat ng mga transaksiyon tulad ng pagkuha ng benepisyo, pag-a-apply ng loan, pagbabayad ng kontribusyon, pagkuha ng Payment Reference Number (PRN), pag-update ng membership information, kasama rin ang pagtingin ng kontribusyon, mga utang, at status ng utang at kinukuhang benepisyo ay maaari nang magawa sa pamamagitan ng My.SSS at Mobile App,” dagdag ni Ignacio.
Ipinaalala rin ni Ignacio sa mga self-employed, voluntary, and OFW members na huwag kalimutang magbayad ng kanilang mga kontribusyon upang masiguro na sila ay kwalipikado sa mga benepisyo at pribilehiyo ng ahensya.
“Maaaring makakuha ang mga miyembro ng kanilang PRN sa kanilang My.SSS at SSS Mobile App o sa pamamagitan ng Text SSS, i-text ang mga keywords sa 2600,” sabi ni Ignacio.
“Sinisiguro naming patuloy na pagagandahin ang kasalukuyang online platforms upang mas maging maayos ang serbisyo para sa mga miyembro. Idinagdag na rin ang maternity benefit application (MBA) at maternity benefit reimbursement application (MBRA) bilang bahagi ng electronic services sa ilalim ng My.SSS Portal simula Mayo 31, 2021, at magiging mandatory ito sa Setyembre 1, 2021,” pagtatapos ni Ignacio.
Para sa iba pang impormasyon, bisitahin ang opisyal na social media channels ng SSS: “Philippine Social Security System” sa Facebook at YouTube, “mysssph” sa Instagram, “PHLSSS” sa Twitter at Viber Community sa “MYSSSPH Updates.”
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.