ni Fely Ng - @Bulgarific | March 21, 2021
Hello, Bulgarians! Inihayag kamakailan ng Social Security System (SSS) na nakapagtala ito ng P1.82 bilyon na sickness benefit noong nakaraang taon. Bumaba ito ng 38.6% kumpara sa naibigay noong 2019 at umabot naman sa 269,604 miyembro ang nakinabang ng nasabing benepisyo.
Iniugnay ni SSS President Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio sa ipinatupad na community quarantine sa buong bansa ang pagbaba ng transaksiyon sa mga branches lalo na ang pagsumite ng mga dokumento para sa iba’t ibang benepisyo.
“Kung ating ikukumpara, ang naibigay na sickness benefit noong 2016 ay umabot sa P2.17 bilyon at noong 2017 naman ay umabot ito sa P2.42 bilyon. Mas lalo pang tumaas ito noong 2018 na umabot sa P2.65 bilyon at P2.97 bilyon naman noong 2019. Inaasahan namin na tataas ito ngayong 2021 dahil unti-unti nang niluluwagan ng gobyerno ang community quarantine guidelines at pinapayagan na muli ang mas maraming tao na makalabas sa kanilang mga tahanan,” sabi ni Ignacio.
Ayon sa datos, taun-taon din na tumataas ang bilang ng mga miyembro na nakikinabang sa SSS sickness benefits. Noong 2016, 388,623 miyembro ang nabigyan ng nasabing benepisyo; umakyat ito sa 419,563 noong 2017; 428,296 miyembro noong 2018 at umabot naman sa 458,851 miyembro noong 2019.
Ang sickness benefit ay daily cash allowance na ibinibigay sa mga kuwalipikadong miyembro na na-confine sa bahay o ospital na hindi bababa sa apat na araw, kasama ang araw upang gumaling sa pagkakasakit o injury. Aabot sa 120 araw kada taon ang maaaring makuha ng miyembro at maaari itong palawigin pa ng 120 araw sa susunod na taon para sa parehong pagkakasakit o injury. Samantala, ang anumang sakit o injury na hihigit sa 240 araw ay maaaring i-file ng disability benefits.
Noong Hulyo 2020, ipinatupad ang pagpapasa ng employers ng kanilang Social Security (SS) Sickness Benefit Reimbursement Applications (SBRAs) gamit ang website ng SSS. Makikita ito sa My.SSS web portal sa www.sss.gov.ph.
Pinapayagan nito ang employers ng mas madaling pagsumite ng kanilang sickness benefit reimbursement claims ng hindi kinakailangan pang maghintay ng kopya nang naaprubahang sickness notification at pagpasa nito sa tanggapan ng SSS matapos na maibigay ang paunang bayad sa kanilang empleyado.
Ayon kay Ignacio, ang prosesong ito ay kaugnay sa ginagawang digital transformation ng SSS na mas naaayon dulot ng health at safety protocols na ipinatutupad ng gobyerno upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
“Maliban sa mabilis na proseso ng sickness benefit reimbursements, nakatutulong din ito na mabawasan ang face-to-face interaction sa ating mga branches upang matulungan ang gobyerno sa pagpigil sa pagkalat ng virus,” dagdag ni Ignacio.
Bumaba rin ang sickness benefit sa ilalim ng Employees’ Compensation (EC) Fund noong 2020 sa P186.41 milyon na pinakinabangan ng 22,757 miyembro.
Umabot ng 100.44 milyon ang naibigay na EC sickness benefit noong 2016 sa 25,201 miyembro, habang P121.29 milyon naman para sa 30,325 miyembro noong 2017, P140.13 milyon para sa 31,662 miyembro noong 2018, at P257.01 milyon para sa 34,860 miyembro noong 2019.
Base sa talaan noong 2020, mayroong 38.8 milyong miyembro ang SSS kung saan 41.7% o 16.18 milyon lamang dito ang regular na nagbabayad na mga miyembro.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang SSS Facebook at YouTube page “Philippine Social Security System,” Instagram “mysssph,” Twitter “PHLSSS,” o sumali sa SSS Viber Community “MYSSSPH Updates.”
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.