top of page
Search

Bulgarific

Hello, Bulgarians! Sa kabila ng kawalan ng ibang transport public modes tulad ng buses at jeepneys sa pagiging general community quarantine at pagbubukas ng mga opisina at negosyo sa NCR at ibang bahagi ng bansa epektibo Hunyo 1, nanawagan ang isang transport coalition sa pamahalaan na payagan silang bumiyahe sa regular na ruta para sa ikakagiginhawa ng madla.

Sa kanilang position paper sa Senado, ipinahayag ni Ariel Lim, principal convenor ng National Public Transport Coalition (NPTC), ang hindi patas na pagtrato, panggigipit at kawalang pakiramdam ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang pangunahing aalahanin na nakatuon sa modernization program ng ahensiya nagsimula noong isang taon at kasalukuyang pinatutupad mula noong may lockdown hanggang sa pairalin ang GCQ sa maraming lugar sa bansa.

Napansin ni Lim na ginagamit ng LTFRB ang emergency powers na ibinagi rito ng mas malawak na emergency powers ng Pangulo na napapaloob sa “Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan Law)” para sa hindi makatarungang gawain at kapangyarihan sa public transport industry na ang stakeholders tulad ng mga operators at drivers ay nagdurusa mula noong lockdown.

Mula nang naging epektibo ang Bayanihan Law, ilang pagbabago ang isinagawa ng LTFRB sa public transport sector, na pagpatupad ng Modernization of Public Vehicle Programs na kasalukuyang tinatalakay sa lahat ng stakeholders kasama ang Senado, House of Representatives at Public Utility Vehicle (PUV) Organizations.

Ayon kay Lim, ang kanilang grupo ay hinahamon ang mungkahing programa ng naturang agencies hindi dahil sa hindi nila sinusuportahan ang Modernization Law, kundi one-sided ang policies na nakakapinsala sa PUV drivers at operators.

“Sa kanilang emergency powers, nagpatupad sila ng mga pagbabago o desisyon na hindi pantay at makakapinsalasa maliliit na players tulad ng

(a) Pag-release ng Social Amelioration Package “ayuda” sa mga PUV drivers base sa kanilang Driver’s Academy Database na may limitadong PUV Drivers Information, sa halip na gamitin ang LTFRB Franchise Database na sakop ang mas maraming PUV drivers at operators na sakop nito. Hindi sumunod ang LTFRB-DSWD sa mandato na Joint Memorandum Circular No. 1-2020. Karamihan sa mga PUV drivers na mas kailangan ang ayuda ay hindi naisama.

(b) Inuuna ang modernized vehicles sa traditional vehicles. Pinayagan ng LTFRB MC 2020-17 ang ilang PUVs na mag-operate sa ilalim ng GCQ, maliban sa traditional jeepneys na kinabibilangan ng daan-daang PUV drivers sa buong bansa.

(c) Nangangailangan ng Special Permit at Motor Vehicle Inspection sa ilalim ng LTFRB MC 2020-16 sa kabila ng pagkakaroon ng valid franchise at valid inspection certificates. Ang pag-a-apply ng prangkisa ay nangangailangan ng maraming dokumento, kasama na ang magastos at nakakapagod na pamamaraan kasama na ang vehicle inspections.”

Ang katotohanang inisyu ng LTFRB ang prangkisa ay nangangahulugang ang aplikante ay qualified para mag-operate bilang PUV. Kung gayun, bakit pa kailangan ng Special Permit at kailangan kaming sumailalim sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na ang fee ay at least Php1, 800 per inspection per car, mataas ng 300% sa inspection bago ang COVID-19?

Ito ay dahil mas malaking halaga ang sisingilin kapag mas malaking sasakyan ang ininspeksiyon. Ang pagpapatupad ng MVIS ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Committee on Transportation at House of Representatives. Ang isyung “to solve traffic problems” ay kinuwestiyon ng Senado noong isang taon na kalaunan ay hindi pinayagan.

Giit ni Lim, sa GCQ ay hindi papayagan ang lahat ng PUV drivers na pumasada, kaya karamihan sa kanila ay walang pagkakakitaan. Dahil karamihan sa mga PUV drivers ang hindi nakatanggap ng ayuda at hindi papayagang pumasada, isang stimulus package na papayagang mag-reschedule o restructure ang kanilang bayad sa finance lease ng kanilang sasakyan o utang na walang multa at additional interests ay dapat ipagkaloob.

May mga financial institutions na nire-require ng agarang one-time payment sa lahat ng monthly principals at accrued interest na pumatak sa Marso hanggang Mayo 2020, sa Hunyo 1.

Samantala, pinuna ng mga senador ang DOTr sa “poor planning” at “lack of foresight”, dahil maraming mananakay ang stranded dahil sa hindi sapat na mass transportation noong naging GCQ na ang Metro Manila.

Binatikos nila ang DOTr sa mga hiwalay napahayag, isang araw matapos ipatupad ang GCQ, na karamihan sa mga mananakay ay stranded nang ilang oras sa kahihintay ng public transport.

Umapela si Sen. Grace Poe sa pamahalaan na tulungan ang mga manggagawa na nakipaglaban para makarating sa trabaho dahil sa kawalan ng mass transportation.

Ayon naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, “Ang gulo at paghihirap ng komyuter na nagtitiis nang isang araw ay dulot ng poor planning. Pinapakita ang lack of foresight at insensitivity.”

Dagdag pa nito, “Mas mabuti sana, ang ginawa ng DOTr. Hindi puwede magpatuloy ang ganitong sistema. Kung nais nating buhayin ang ekonomiya, dapat siguraduhin nating ang ating manggagawa sa kanilang trabaho na hindi isinaalang-alang ang kanilang kalusugan at kalusugan ng ibang tao.”

Hirit naman ni Sen. Nancy Binay, “Ano’ng nangyari sa foresight nila? Mabuti sila’t aircon ang mga sasakyan. Eh, kung subukan kaya ng mga opisyal ng DOTr na mag-commute mula sa kani-kanilang bahay papasok sa opisina nila (sa Clark City o Ortigas)? Dapat maramdaman nila ang hirap na pinagdadaanan ng mga commuter. Hindi sila makakapagplano nang maayos kung hindi nila nararamdaman ang pakikibaka ng mga tao araw-araw.”

Samantala, tingin naman ni Sen. Joel Villanueva, tila nakalimutan ng pamahalaan na ang mga manggagawa ay umaasa lang sa public transportation.

♥♥♥

For event invitations, please, email bulgarific@ gmail.com or PM us on our Facebook page.

Got to go! It’s so Bulgarific!

xoxo

 
 

Kabit-Kabitz / Fersalina Sogo

Kagulo naaaaaa! Mega-fireworks sa social media ang mga hanash ng madlang pipol nitong mga nakaraang araw. Pero hindi bale, nandito naman ang inyong resident chikadora upang pagkabit-kabitin ang personalidad na involved sa iba’t ibang isyu.

Kong. Piluka

Naging matunog ang namesung ni Kong. Piluka dahil sa franchise bill para sa isang TV network. Inispluk niya na wit pala Pinoy ang may-ari ng network. Ayon sa batas, hindi maaaring magmay-ari ang mga afam ng malaking shares ng kumpanya ditey sa ‘Pinas. Maraming isyu na rin ang nakadikit sa namesung ng mambabatas. Matatandaang pinatapyasan nito noon ang badjey ng isang ahensiya dahil sa kampanya nito laban sa ilegal na droga. Sakit niya sa bangs, eh! Pakiayos nalang ang piluka n’yo, sir at baka malaglag. Char!

Mr. Fake Pinoy

Walang ibang tinutukoy si Kong. Piluka sa kanyang mga banat kundi si Mr. Fake Pinoy. Ang chika ay Kano raw siya, but wait there’s more! According sa mga kinauukulan, hindi raw legal ang pagmamay-ari nito ng network. Wala raw batas ang nagbibigay sa kanya at sa pamilya nito ang network. Peke na ang nga pagiging Pinoy, pati ba naman ang pag-mamay-ari ay jafake rin? Ano nalang kaya ang true sa kanila? ‘Kakaloka!

Buko Probinsyano

Isa naman sa tagapagtanggol ni Mr. Fake Pinoy ang kanyang mga alagang artista. Una na siyempre sa listahan si Buko Probinsyano. Sobrang ingay niya at nakikipagbangayan talaga sa mga bashers sa kakatanggol sa network. Feeling hero raw ang aktor na akala mo, eh, kayang lutasin ang problema para sa kanyang pamilya. ‘Wag masyadong feelingero. Iwan mo nalang ‘yan sa mga pelikula at TV show!

Anghelita Palengkera

Naudlot naman ang showing ng pelikula ni Buko Probinsyano katambal si Anghelita Palengkera. Hindi natuloy ang festival kung saan sana ay kasali ang kanilang pelikula dahil sa COVID-19. Pero kahit ganu’n ay tuloy pa rin naman ang life. At dahil marami siyang time, panay rin ang parinig nito sa social media sa pagiging single niya. Mukhang hindi rin suwerte si ghorl sa buhay pag-ibig. Mabait at maganda siya kaya malaking question mark sa mga utaw kung bakit palagi siyang sawi sa pag-ibig. Baka kasi over sa pagiging palengkera kaya inaayawan? Ghorl, hinay-hinay muna sa pakikipag-away, ha? Ayaw ng boys niyan!

Miss Bawal Lumabas

Kontrobersiyal naman ang kaibigan ni Anghelita Palengkera na si Miss Bawal Lumabas. Ito ay dahil sa nakakawindang na statement nito na ichinika sa social media tungkol sa pagsasara ng kanilang network. Naloka ang milyun-milyong Pinoy sa pinakawalang quotable quotes ng babaita. Actually, pati siya ay nahilo sa pinagsasabi niya. Pero naging blessing ito sa kanyang naghihingalong karera. Patok sa mga tao ang dance craze na pinauso niya. Pero talagang ayaw siyang tantanan ng bashers. Ngayon ay pinaimbestigahan ang video na ginawa niya dahil sumayaw raw siya sa EDSA. Depensa niya, sa parking lot ginawa ang nasabing video. Ganern? ‘Teh mukhang mabibigyan ka na talaga ng memo ng teacher mo na bawal ka talagang lumabas. Char!

DJ Mahina ang ulo

Speaking of classroom, sinabi naman ni Miss Bawal Lumabas sa live video sa socmed na classmates daw sila ni DJ Mahina ang ulo. Naku, mga beshies, mukhang magagalit ang inyong teacher at mukhang pang-row 4 ang mga utak ninyo. Pinutakti ng netizens ang sikat na DJ dahil sa mga pahayag nito tungkol sa mass testing. Sorry naman din agad ang ipinaabot niya sa netizens at iba raw ang kanyang ibig sabihin. Basa-basa rin ‘pag may time, bes. Sumikat siya kasagsagan ng ECQ dahil sa mga kakaibang dance moves na isini-share niya sa social media. Kyah, sayaw ka nalang at ‘wag na tayo mag-feeling influencer nang hindi naba-bash, okay?

Gandang Host

Hindi naman pinalampas ni Gandang Host ang mga pahayag ni DJ Mahina ang ulo. Siyempre, sakay sa issue ang komedyante at chumika rin tungkol sa mass testing. Tila nagtanong pa raw ito sa kanyang sisteret na frontliner. Ayaw naman daw niya mang-bash pero mukhang ganu’n naman talaga ang pakay ni bes. Pero ganyan naman dapat magbasa muna bago kumuda. Sa daming mema sa world ay kailangan na natin piliin kung kanino makikinig. Kaya ang lesson mga bata, ‘wag basta naniniwala sa mga nababasa at nakikita sa socmed.

Tita Mega

Isa sa mga hinahangaan ni Gandang Host sa mundo ng entertainment ay si Tita Mega. Kilalang-kilala siya sa showbiz na happily married na sa kanyang pulitikong hubby. Meron siyang apat na anak pero ang panganay niya ay mula sa kanyang unang marriage na parang pinagbiyak na bunga ng pudra. Ang tatlo naman ay anak niya sa kanyang kasalukuyang mister. Maraming issue ang nakapaligid sa kanya at sa panganay nitong dalaga. Sinabi ng kanyang junakis na all is well sa kanilang mag-ina. Panay daw ang padala nila sa isa’t isa ng mga fudams. How sweet! Hindi lang naman pala sa showbiz mega-bright ang kinang nito pati rin pala sa pagiging ina ay megang-mega rin.

Mr. Mega Magsasaka

Happily married daw si Tita Mega sa kanyang hubby na si Mr. Mega Magsasaka. Isa siyang struggling lawyer bago nito nakilala ang asawang tumulong sa kanya upang maluklok sa puwesto. Matagal na ring usap-usapan na ginamit lang nito ang kanyang misis para sa kanyang political career. Mukhang a-agree naman ang maraming netizens dahil waley talaga siyang dating at karisma. Kaya kahit ano’ng pahayag nito sa media ay deadma lang ang mga utaw. Ayon sa mga chismosa, parang type raw nito tumakbo sa mas mataas na posisyon pero kayanin pa kaya ng powers ni misis na papanalunin ito? Abang-abang nalang mga chismosa sa susunod na kabanata.

Ms. Leron Sinta

Pinapangarap din ni Mr. Mega Magsasaka ang bigong pangarap ni Ms. Leron Sinta. Dalawang beses niyang sinubukang makuha ang pinapangarap na posisyon ngunit palagi nalang itong nagtatapos sa runner up. Kilala ang halal na opisyal sa pagiging masungit sa kanyang staff. How true kaya ito, madam? Parang sa sighting ng mga staff nito ay mukhang takot ito sa kanya. Ano kaya ang sey ng mga kasamahan nito sa Kongreso? Nakakapagtaray din kaya ito sa mga kasamahan nitong tulad ni Kong. Piluka? May kasabihan nga na ‘pag may usok ay may apoy. Charot!

 

Siya, hula-hula na muna at abangan ang mga susunod na kabanata NG MGA PINAGLARUANG MUKHA ni KIMPOY

 
 

Salaminin natin ang panaginip ni Henry na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nakikipagbarilan ako sa mga terorista at hinahabol nila ako. Lahat ng aking kasamahan at kakampi ay namatay na dahil sa crossfire. Sana ay masagot n’yo ang kahulugan ng panaginip ko. Salamat!

Naghihintay,

Henry

Sa iyo Henry,

Alam mo, mahirap paniwalaan na ang buhay ng tao ay mas gumaganda at sumisigla kapag nasa kanya ang tatlong bagay. Una, ang horror tulad ng pelikula. Ikalawa, drama at ang ikatlo ay aksiyon.

Horror, drama at aksiyon ang nagpapaganda at nagbibigay ng saya sa tao. Kapag wala ito, ang buhay niya ay tulad ng field of snow na ang ibig sabihin ay walang kuwenta ang kanyang buhay.

Alam mo, ito ang hindi napapansing dahilan kung bakit best-selling movies ang horror. Dahil tulad ng nasabi na, mahirap paniwalan na kailangan ng tao sa buhay niya ang horror. Kaya hindi nawawala ang drama sa mga T.V. at pelikula ay dahil dito kumikita nang malalaki ang mga producers.

Gayundin, ang aksiyon ay hindi puwedeng mawala sa buhay ng tao dahil kapag wala nito, siya ay parang puno ng halaman na habambuhay nang nakatayo sa iisang lugar.

Sa horror, drama at aksiyon, ang katawan ng tao ay naglalabas ng hormone na adrenaline.

Ang adrenaline ay tinatawag ding survival hormone kung saan ang tao ay magkakaroon ng kakaibang lakas at bilis ng katawan at isipan. Kapag natutulog ang adrenaline sa katawan ng tao, siya ay mananamlay, mawawalan ng gana mabuhay at hindi na rin siya makikipagsapalaran sa mga hamon ng kanyang kapalaran.

Kaya mahirap mang tanggapin, siya ay mapabibilang sa mga bigo sa buhay. Hindi ito dapat mangyari sa iyo kaya sabi ng iyong panaginip, lagyan mo ng aksiyon ang buhay mo, hindi sa pamamagitan ng paglaban sa mga terorista kundi sa paglaban sa mga kinatatakutan mo sa buhay. Ang pahabol na payo ng iyong panaginip ay higit kailanman, ngayon mo kailangan na maging matapang.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page