Salaminin natin ang panaginip ni James na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor, Nanaginip ako ng napakaraming locust o balang na mga nakikita sa bukid na tatalun-talon.
Noong mga bata pa kami, nanghuhuli kami nu’n sa Nueva Ecija at pinaglalaruan namin, pero may mga matatanda na nanghuhuli rin kasi kinakain namin ‘yung mga locust o balang.
Pabalik-balik sa panaginip ko ang mga ito hanggang sa nagising na ako.
Naghihintay, James
Sa iyo James, May panahon ng paglabas ng mga balang o locust at ito ay kapag ang mga bundok ay may malalawak na damuhan at natutuyo na ang mga halaman sa gubat.
Doon ang natural habitat ng mga balang. Ibig sabihin, hindi naman sila talaga nakatira sa bukid na taniman ng mga palay, gulay at mga halamang kinakain ng tao.
Kaya kapag dumarayo sila sa mga barangay, bayan at maging sa mga siyudad, sila ay libu-libo o baka milyun-milyon pa, as in, sila ay sobrang dami.
Para sa mga magsasaka, salot o peste ang mga ito, kasi kapag nag-landing ang mga balang sa taniman ng palay, masisira ang tanim na palay, ganundin ang nangyayari kapag sa mga gulay sila naminsala. Kaya ang iyong panaginip ay nagbababala ng taggutom o taghirap sa bayan ninyo sa Nueva Ecija.
Baka naman matakot ka at sobrang mag-alala, kaya bago pa mangyari ito, gusto kong ibahagi sa iyo ang kuwento ni Joseph, The Dreamer na nakasulat sa Banal na Aklat.
“Sa pamamagitan ng mga panaginip, nakita ni Joseph ang magaganap na magkakaroon ng taggutom sa lupain kaya ang kanyang ipinayo sa hari ay mag-imbak ng mga pagkain para kapag dumating ang panahon ng taghirap, ang mamamayan ay may kakainin.”
Pero sa totoo lang, James, may mga balang man o libu-libong locust ang dumagsa, dapat paghandaan ng tao ang mga araw na darating. Kumbaga, kapag ang tao ay nakahanda para sa kinabukasan, hindi siya mag-aalala anuman ang dumating.
Kaya ang iyong panaginip ay para rin sa iyo na ang mensahe ay nagsasabing isabuhay mo ang paghahanda sa iyong hinaharap. Muli, ngayon na, hindi bukas kundi ngayon na mismo.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo