Salaminin natin ang panaginip ni Ulysis na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor, Sobrang bilis ng pagda-drive ko at may bagong car ako. Sa totoong buhay, gusto ko talagang magkaroon ng kotse, as in, ang dream car ko ang minamaneho ko sa panaginip ko. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay, Ulysis
Sa iyo Ulysis, Binabati kita dahil your dream will come true, as in, magkakaroon ka na ng sarili mong kotse at ito mismo ay ang dream car mo.
Hindi nagsisinungaling ang mga panaginip, kumbaga, ito ay tapat at totoo dahil ang panaginip ay nagmumula sa unconscious mind na tinatawag ding “hindi nakikitang sarili” at minsan, may pagkakataon na ito ang “malalim na kamalayan ng tao”.
Ang salitang “malalim” ay nangangahulugan na kapag gising ang tao, siya ay hindi nagpaparamdam, pero kapag ang tao ay tulog, siya ay nangingibabaw at siya mismo ang gising na gising, gayundin, aktibung-aktibo o bida sa mga panaginip.
Ayon sa iyong malalim na kamalayan na nagising nang ikaw ay mahimbing na natutulog, hindi magtatagal at ikaw ay magkakaroon na ng kotse.
Alam mo, ang unconscious-self ay powerful. Siya rin ay makapangyarihang tao o sariling hindi nakikita ng tao na ayon sa mga alamat ay ikinulong sa katawan.
Siya rin ay hindi basta-bastang makalalabas dahil binabantayan siya ng conscious-self.
Sa teolohiya, siya ang tinatawag na powerful being na God-like. Medyo mahirap paniwalaan ito, pero kapag naalala mo na ang nakasulat sa Bible na “God made man in his own image,” mauunawaan mo na ang unconscious-self ay ang God-like image of a man or a woman.
May kakayahan siyang bigyan ng kaganapan ang hiling ng katawang-lupa dahil siya ay makapangyarihan at ayon sa iyong panaginip, ang dream car mo ay magkakatotoo dahil ito ay ginarantiyahan ng iyong God-like self.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo